Martes, Enero 18, 2022

Dalawa kong aklat ni Lope K. Santos

DALAWA KONG AKLAT NI LOPE K. SANTOS

dalawang mahalagang aklat ni Lope K. Santos
ang aking binabasa't iniingatan kong lubos
nang makita'y walang alinlangang agad gumastos
kahit pa sa kinikitang salapi'y sadyang kapos

ang Banaag at Sikat, isang dakilang nobela
na nalathala nang higit isangdaang taon na
Balarila ng Wikang Pambansa, na gawa niya
na akin namang sinasagguni tuwi-tuwina

nauna ang isang libro niyang di ko malaman
kung saan napapunta o kaya'y nasa hiraman
animnapung tulang tiglilimang saknong ang laman
katha ni Lope K. Santos, mga tulang kay-inam

Banaag at Sikat, nasa aklatan ni Bituin
unang sosyalistang nobelang kaygandang basahin
Balarila naman ay binasa upang gamitin
sa sanaysay, tula, kwento't iba ko pang kathain

collector's item at klasiko na ang mga ito
di man agad mabasa, mabuting ako'y may libro
nakasalansan na sa munting aklatan ko rito
na ginawan ko pa ng tulang alay ko sa inyo

- gregoriovbituinjr.
01.18.2022

* Ang Banaag at Sikat ay nabili ko sa Popular Bookstore noong Hulyo 26, 2019, sa halagang P295.00, nasa kabuuang 588 pahina, ang teksto ng nobela'y 547 pahina, habang ang Balarila ng Wikang Pambansa ay nabili ko sa Solidaridad Bookshop noong Hunyo 3, 2021, sa halagang P600.00, nasa kabuuang 538 pahina, ang teksto ng Balarila'y umabot ng 496 pahina, habang 42 pahina ang nasa Roman numeral. 

Maagap

MAAGAP

may kasabihan: "Daig ng maagap ang masipag"
kapara ng boyskawt na laging handa sa magdamag
at maghapon sa pangyayaring makababagabag
diyata't di dapat maging tuod, di natitinag

maging maingat sa anumang gawin at sambitin
lalo't mga trapong unggoy ay lalambi-lambitin
sa ginintuang baging ng kapitalistang matsing
na madalas pulutan kaya bundat ay balimbing

malapit na ang halalan, nangangamoy asupre
kaya dapat gapiin ang manananggal at kapre
ayaw nating halalang ito'y mangamoy punebre
baboy na malilitson ay talian ng alambre

sa panahon ngayong nananalasa ang omicron
huwag nawang lungkot ang sa atin ay sumalubong
di nakikita ang kalaban, di pa makaahon
dapat maging maagap pag nakita ang ulupong

tayo'y maging mapagbantay lalo't nasa pandemya
habang omicron sa libo-libo'y nananalasa
huwag sana nitong salingin ang ating pamilya
subalit asahan nating daratal ang pag-asa

- gregoriovbituinjr.
01.18.2022

Facemask

FACEMASK

ayaw nating makahawa o kaya'y mahawaan
ng sakit ng sinuman at baka di makayanan
lalo ngayong laganap ang sanhi ng kamatayan
sa panahon ng pandemyang may samutsaring variant

kaya kailangang takpan ang pasukan sa ilong
at lalamunan upang di maging hilong talilong
danas kong pagkasakit noon ang dulot ay buryong
na tila pinagsalikupan ng dusa't linggatong

ah, tunay ngang kailangang mag-facemask pag lalabas
ito ang ating pananggalang lalo't nang-uutas
yaong naglipanang virus na napakararahas
na puntirya'y ating baga't buhay hanggang magwakas

simpleng protokol, magsuot ng facemask, di ba kaya
kung ayaw mong isuot, sa bahay ka na lang muna
ngunit alalahanin ang kapwa pag lumabas ka
pagpe-facemask mo'y pagmamalasakit na sa iba

- gregoriovbituinjr.
01.18.2022

* selfie sa pinta sa pader sa komunidad ng maralita sa likod ng Fishermall sa C4, Malabon

Pangarap

PANGARAP

ah, napakatayog ng pangarap
nakatingala sa alapaap
kahit buhay ay aandap-andap
ay patuloy pa ring nagsisikap

nakatira man sa gilid-gilid
sa danas na pagkadukha'y manhid
basta't nabubuhay nang matuwid
mararating din ang himpapawid

nangarap ngunit di pansarili
kundi pag-asenso ng marami
sa sistemang bulok masasabi
palitan na't huwag ikandili

ang pangarap niyang itinakda
kasama'y organisadong dukha
pati na ang uring manggagawa
lipunang makatao'y malikha

- gregoriovbituinjr.
01.18.2022