Huwebes, Enero 23, 2014

Sana'y madama ko ang pagdatal ng Pebrero

SANA'Y MADAMA KO ANG PAGDATAL NG PEBRERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Sana madama ko ang pagdatal ng Pebrero
Nang uhaw na puso'y muling madiligang todo
Nawa'y may paparating na pag-ibig na bago
O ikaw pa rin ang ititibok ng puso ko

Kayraming kabiguan sa mga nakaraan
Kayraming mga bagay na di maunawaan
Kayrami pang nag-akalang ako'y salawahan
Gayong ako itong ang diwa't puso'y duguan

Buhay ko'y walang halaga nang panahong yaon
Tila ako halamang naluoy, ibinaon
Sa buwan ng pag-ibig, muli akong babangon
Kung aking mamamalayan ang Pebrero ngayon

Sa Pebrerong darating, may bago bang pag-ibig
Upang itong uhaw kong puso'y kanyang madilig
O, magandang diwata, kailan ka hihilig
Sa aking bisig, ako ba'y iyong naririnig

Busabos ng kapitalista

BUSABOS NG KAPITALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

bansa ba ang tawag / kung busabos ito / ng kapitalista
kung turing sa masa'y / tila ba de-susing / manika't makina
may tali sa ilong / tulad sa kalabaw / sunud-sunuran pa
kung ano ang nais / ng kapitalistang / nasa puso'y pera

kung kapitalista / ang namumuno na / sa mahal na bayan
ay globalisasyon / ang pinaiiral / sa buong lipunan
di makabubuti / ang gawang ito sa / ating mamamayan
ang nakikinabang / lamang sa ganito'y / ang dayong puhunan

nasaan ang para / sa masa, lalo na / dukha't manggagawa
silang bumubuhay / sa lipunang puno / ng mga kuhila
pati lupa nitong / ninuno'y inagaw / ng mga banyaga
nais pang burahin / ang ating kultura, / puso nati't diwa

nagpapatuloy pa / ang pambubusabos / sa ngalan ng tubo
kapitalista nga'y / pawang sumisipsip / nitong ating dugo
nais nilang kunin / ang likas na yaman, / ang sa bayang ginto
inaangkin nila / itong bansa hanggang / tayo'y maghingalo

ginawa sa bayan / ng kapitalista'y / malupit, masahol
pagpapakatao'y / winaksi, nag-asta / silang mga ulol
maagaw lang nila / itong karapatang / sa bayan ay ukol
iwing bayang ito'y / kinakailangan / nating ipagtanggol

magkaisa tayo't / atin nang labanan / ang pagkabusabos
huwag pabayaang / ang sistema nila / sa atin uubos
ang diwa ng bayan / at pusong dakila'y / gawin nating ulos
sa mambubusabos / na kapitalista'y / ating ipantapos