umuulan-ulan, umaambon-ambon kahapon
subalit kayganda ng pagsikat ng araw ngayon
at nawa'y ulanin ang maalinsangang maghapon
nang madiligan din ang mga tinanim na iyon
kaysarap ulamin ng pinatubong alugbati
laga man o ginisa'y makadarama ng ngiti
upang mukhang marami, sanga'y pinaghati-hati
ngunit paumanhin kung sa lasa'y napapangiwi
patuloy pa rin ako sa paggawa ng ekobrik
sapagkat nakapagtipon ng isang linggong plastik
paggugupit-gupiting maliit at isisiksik
sa di pa sintigas ng batong boteng inekobrik
habang may coronavirus pa sa sandaigdigan
at mga tao'y nasa kani-kanilang tahanan
isang tula para sa araw ng kapaligiran
ang kakathain ko, ngayon nga'y pinagninilayan
- gregbituinjr.
06.04.2020
Huwebes, Hunyo 4, 2020
Ang batang humihingi ng tubig
huwag basta bira ng bira o kabig ng kabig
anak mo'y humingi ng tubig na iyong narinig
nagmadali ka't kumuha ng isang basong tubig
nasa C.R. siya't panghugas ng puwit ang ibig
aba'y napahiya ka tuloy sa iyong sarili
di ka kasi nagsuri, pagsisisi'y nasa huli
maraming namamatay sa akala, yaong sabi
aba'y muntik ka na kaya magsuri kang maigi
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
ito'y tandaan mo para sa tamang kalutasan
ano ang sitwasyon, bakit napunta sila riyan?
sa palagay mo'y ano kaya ang kahihinatnan?
o kaya, paminsan-minsan ay maglaro ka ng chess
matututo kang magsuri't ang hari'y mapaalis
matuto kang mag-analisa kung may paglilitis
upang sa pagharap sa problema'y di ka magtiis

Dissent is not a crime. EJK is!
"Dissent is not a crime." Ito'y isang paninindigan
laban sa batas na mapangyurak ng karapatan
ipapakitang di tayo nagbubulag-bulagan
sa maraming karahasang nagaganap sa bayan
"Dissent is not a crime. EJK is!" Ito'y tindig ko
laban sa pang-aabuso't kawalan ng proseso
dapat ang karapatang pantao'y nirerespeto
at huwag bumaba sa antas ng utak-barbaro
si Voltaire ba ang nagsabing "aking rerespetuhin
at ipaglalaban ang karapatan mong sabihin
ang iyong pananaw o salungat mo mang pagtingin
dahil saloobin mo ito, iba man sa akin."
bakit nila pupuksain ang may kaibang tindig?
"Dissent is not a crime." Dapat tayong magkapitbisig
di nila mapapaslang itong ating mga tinig
para sa makataong lipunan ay iparinig.
- gregbituinjr.
06.04.2020
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)