Lunes, Marso 2, 2026

Nahuli na namang Barok ang pamagat

NAHULI NA NAMANG BAROK ANG PAMAGAT

imbes "2 raliyistang inaresto..."
ay "2 raliyista na inaresto..."
batid agad di Pinoy ang nagsulat nito
orihinal sa Ingles, isinalin ito
ng A.I., kaya naging Barok ngang totoo

panahon pa ba ng Kastila, kaya ganyan sila?
"dalawa raliyista na inaresto, laya na"
balitang Pinoy na binarok, dapat itama na
sa "dalawang raliyistang inaresto, laya na"

iyan ang hirap pag tamad ang nagsasalin
google translate A.I. na ang gagamitin
nagiging Barok tuloy ang salita natin
tila baga Kastilaloy ay uso pa rin

di ba nakikita ng editor ang ganyan?
dahil mabilisang ulat, hinahayaan?

Barok ang A.I. sa pagsalin ng salitâ
huwag asahan ang A.I. sa Salin-Wikà
kung Pinoy ang nagsulat ay mahahalatâ
ngunit kung A.I., wika'y binabalahurà

- gregoriovbituinjr.
03.02.2026

Total lunar eclipse sa Marso 3, 2026

TOTAL LUNAR ECLIPSE SA MARSO 3, 2026

napabalita sa isang pahayagan
total lunar eclipse ay masasaksihan
at makikita natin sa kalawakan
isang astronomikal na kaganapan

kung saan ang sabi'y tatakpan ng buwan
ang anino ng mundo mula sa araw
daigdig ay direktang nasa pagitan
ng araw at buwan, kaya ang anino

ng daigdig ay lubos na tumatakip
sa buwan, at sinasalà ng liwanag
ng araw ang ating atmospera, buwan
naman ay magmumukhang mamula-mula

ang sabi pa'y ligtas itong panoorin
ng karaniwang mata lamang, di tulad
ng solar eclipse na kinakailangan
mong magsalamin, proteksyunan ang mata

isang oras umano ang itatagal
niyong pinakamatingkad na bahagi
ng eklipse't magpapakita ang buwan
ng kakaibang pula at maliwanag

isa ngang pagkakataong pambihirà
para sa tulad kong Bituin at makatâ
ang ibinalita ng astronomiya
isang paksang nais kong pag-aralan pa

- gregoriovbituinjr.
03.02.2026

* tula't ulat batay sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 27, 2026, p.7

Nakakapagod mang magsulat

NAKAKAPAGOD MANG MAGSULAT

nakakapagod mang magsulat
gagawin ko pa rin ang lahat
ng kaya kahit anong bigat
upang magsulat at magmulat

ako man ay abang makatâ
kumakathâ para sa madlâ
ng kwento, tulâ at pabulâ
asahang pluma'y magdadagtâ

pag pagod, magpahinga muna
at ipikit ang mga mata
isiping mayroong pag-asa
pag ang masa'y nagsama-sama

kumain at maging malusog
upang sa diwa'y umimbulog
ang mga paksang may indayog
na sa puso'y nakadudurog

- gregoriovbituinjr.
03.02.2026

* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon