Martes, Pebrero 8, 2022

Ambag ng dukha

AMBAG NG DUKHA

nagpinta na ng "Leody for President" ang dukha
bilang ambag nila sa kandidatong manggagawa
si Ka Leody, tumatakbong pangulo ng bansa
na pagbabago ng sistemang bulok ang adhika

tunay na lider ng manggagawa si Ka Leody
na karapat-dapat iboto bilang presidente
may paninindigang ramdam mo sa bawat debate
na taos sa puso ang bawat niyang sinasabi

kaya gumawa ng flaglet at ipininta roon
ang "Leody for President", anong ganda ng layon
si Ka Leody ay kapwa mahirap at may misyon:
ang pamunuan ng uring manggagawa ang nasyon

di man kagandahan yaong kanilang naipinta 
ay ginawang kusa, taospuso't buong suporta
mga dukha'y tunay palang ganyan magpahalaga
sa kanilang kandidatong presidente ng masa

- gregoriovbituinjr.
02.08.2022

Pagmumuni

PAGMUMUNI

simpleng tibak lang ngunit tahimik
ang kagaya kong di palaimik
datapwat lagi kong hinihibik
ang pagbabagong sa diwa'y siksik

habang patuloy na nagmumuni
na sa sistemang bulok ay saksi
ano nga ba ang makabubuti
para sa lalong nakararami

palasak ang pagsasamantala
at kaapihan ng dukhang masa
nais kong mabago ang sistema
na misyon ng bawat aktibista

bulok na sistema'y mapaglaho
lipunang makatao'y itayo
ibabagsak ang tuso't hunyango
sa pagbabago tayo patungo

- gregoriovbituinjr.
02.08.2022

No vaccine, no ride

NO VACCINE, NO RIDE

madali lang makasakay sa dyip
kaya nga, di ka na maiinip
iyon nga lang, doon ay masikip
na agad mo namang masisilip

gayunman sa dyip, walang manita
kung nakapagpabakuna ka na
at wala rin kasi roong gwardya
kung may vaccination card kang dala

aba'y wala pang social distancing
tila ang kita'y hinahabol din
na pag nag-lockdown, walang makain
kaya pasahero'y sisiksikin

"no vaccine, no ride" ang paskil doon
parang pakitang-tao lang iyon
vax card mo'y wala nang nagtatanong
kunwa'y bakunado lahat doon

ah, mabuti na rin ang ganito
walang abala sa pasahero
lalo na't papasok sa trabaho
ngunit pag nagkasakit, paano?

- gregoriovbituinjr.
02.08.2022