Martes, Oktubre 20, 2020

Pagpalaot sa kabila ng bagyo

pagkakataong makawala sa buhay na buryong
subalit nagbantang may bagyo't aso'y umalulong
napurnada na naman, napalaot sa linggatong
walang masakyan gayong sa plano'y ayaw umurong

hintay lang, paraanin muna si bagyong Pepito
at tiyak nang papalaot sa lungsod ang tulad ko
baka di na makayanan ang payapang delubyo
kaya iiskyerda na matapos lang itong bagyo

isang pulong nga "rain or shine" ay dadaluhang pilit
sa lungsod pa'y naghihintay ang trabaho kong hirit
bagong opisina'y aayusin ko pag sumapit
sa lungsod, may bagyo man, biyahe ko'y igigiit

sige, basta may masasakyan, ako'y lalarga na
ayoko nang panahon pa dito'y magpalipas pa
may dapat gampanan, trabaho kong nakatalaga
bilang sekretaryo heneral ay papalaot na

- gregoriovbituinjr.

Ako'y tibak

ako'y tibak na wala sa dulo ng bahaghari
pagkat nakikibakang ang kasama'y dukhang uri
upang lupigin ang bata-batalyong naghahari
upang pagsasamantala't pang-aapi'y mapawi

adhika'y karapatan ng tao't ng kalikasan
naggugupit ng plastik, inaaral ang lipunan
nageekobrik, bakit may mahirap at mayaman
magbukod ng basura, maglingkod sa sambayanan

hangad na maitayo ang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
dukha man, karapatang pantao'y nirerespeto
bawat isa'y makipagkapwa, may wastong proseso

isinasabuhay ko ang proletaryong hangarin
upang pagsasamantala't pang-aapi'y durugin
sa kabila ng karukhaa'y may pag-asa pa rin
tayo'y magekobrik, bulok na sistema'y baguhin

ako'y karaniwang tao lang na hilig ay tula
na sinusulat ay buhay ng manggagawa't dukha
nasa Kartilya ng Katipunan nga'y nakatala
ang niyakap kong prinsipyo't tinanganang adhika

- gregoriovbituinjr.

Pagninilay sa aking lungga

minsan nga ako'y di mapakali sa aking lungga
lalo na't sugat ng alaala'y sinasariwa
upang itala ang buhay ng binabalewala
bakasakaling makaahon sa danas na sigwa

kayraming litrato ng mga balyenang tumirik
ang mata dahil kumain ng sangkaterbang plastik
paano ba magtutulungan sa pageekobrik
nang masagip ang kalikasan sa kanyang paghibik

oo, pangarap ko'y makaahon, di ang makahon
sa nadamang kahungkagang sa puso'y lumalamon
mabuti nang sumagasa sa bangin ng kahapon
kaysa dumaluhong pa ang kaburyungan ng ngayon

matutunton pa kaya ng lakan ang kanyang dayang
na matagal nang nawala't may iba nang hinirang
matutulungan ba ang mga pesanteng hinarang
ang karapatan sa lupang dapat nilang malinang

narito man ako sa aking lungga, nagmamasid
katiwalian at karahasan ay nababatid
karapatan ay ipagtanggol, huwag maging umid
ang hustisya'y ipaglaban, buhay man ay mapatid

- gregoriovbituinjr.

Ang karatula sa dyip

isa ngang palaisipan ang karatula sa dyip
pagkat tanong iyon na agad kang mapapaisip
"Sino ba ang sinungaling?" ay agad kong nahagip
habang sa biyahe'y nakawala iyon ng inip

subalit tanong na iyon ay may karugtong naman
sa pagtugon ay may dalawa kang pagpipilian:
"ang matanda ba o ang elepante ang katawan?"
may-ari ba ng dyip ay may problema sa tahanan?

sinong pinatamaan ng ganoong patsutsada?
ang sariling ina o ang biyenang lumba-lumba?
ang matandang kasera o ang matabang asawa?
wala tayong alam, isa lang itong sapantaha

tayo din ay may problema't sariling mga danas
hayaan natin sila sa ganoong alingasngas
baka nga problema nila'y kanila nang nalutas
habang tayo'y patuloy pa sa nililikhang bukas

- gregoriovbituinjr.

Gaano nga ba kahalaga ang puno?

gaano nga ba kahalaga sa akin ang puno?
gaano nga ba kahalaga sa iyo ang puno?
gaano nga ba kahalaga sa atin ang puno?
gaano nga ba kahalaga sa mundo ang puno?

ang mga puno'y nagbibigay ng lilim sa labas
ang mga puno'y tahanan ng hayop na ilahas
ang mga puno'y maraming binibigay na prutas
tulad ng bayabas, kalumpit, duhat, sinigwelas

ang mga puno'y nagbibigay ng kahoy sa madla
ang mga puno'y pananggalang sa mga pagbaha
ang mga puno'y tagapagligtas mula sa sigwa
tulad ng punong dita nang si Ondoy ay nagwala

ganyan kahalaga ang mga puno sa daigdig
kaya mga daing nila'y ating bang naririnig?
pag nawala ang puno'y walang huni ng kuliglig
halina't puno'y alagaang nagkakapitbisig

- gregoriovbituinjr.