Lunes, Hunyo 20, 2011

Nakita Uli Kita sa Panaginip

NAKITA ULI KITA SA PANAGINIP
tula ni greg bituin jr.
14 pantig bawat taludtod

nakita uli kita sa aking panaginip
habang aking iwing puso'y iyong halukipkip
ako nga ba'y mahal mo na kaya sinasagip
mula sa mga panganib na nasasaisip

bakit kaya, sinta, ayaw mo akong tigilan
panay ang dalaw mo sa aking puso't isipan
pahiwatig ba itong dapat kitang ligawan
na kahit sa panaginip ako'y sinusundan

marahil lihim mo akong inukit sa puso
inukit sa puso mong ako ang sinusuyo
sinuyo mo akong pag-ibig mo'y nangangako
nangangakong ang pag-ibig mo'y di maglalaho

pag muli mo akong dinalaw sa panaginip
tila di mo ako matiis na di masilip
laman na yata ako ng iyong puso't isip
tatanggapin na kita sa muli kong pag-idlip

Muli, Para Kay F

MULI, PARA KAY F
ni greg bituin jr.
15 pantig bawat taludtod

iniisip kong bawat katha ko'y binabasa mo
ikaw na aking inspirasyon sa buhay na ito
kaya, sinta, sa pagkakatha'y nagsisipag ako
habang akda'y inaalay sa masa at sa iyo

mula sa pagkalugmok, nabuhay ang aking pinsel
pagkat ikaw'y naririyang mistulang isang anghel
ang bawat kinatha'y inukit, kinatam, sininsil
inspirasyon kitang sa diwa ko'y nakaukilkil

pag nalanta ang mga taludtod ay dinidilig
upang lumago ang mga saknong ng pagniniig
nasa isip kong kinulong kita sa aking bisig
ligaya'y dama habang sa akin ka nakahilig

sana'y di ko lang naiisip na binabasa mo
ang bawat kathang pinaglalamayan ko ng todo
kundi inaabangan at kinasasabikan mo
ang mga akdang sadyang nilikha para sa iyo