Miyerkules, Nobyembre 18, 2009

Relokasyon: Tahanan o Basurang Libingan

RELOKASYON: TAHANAN O BASURANG LIBINGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dumating ang demolisyon ng bigla-bigla
dinedemolis ang bahay ng mga dukha
itatapon sa malayo ang maralita
tinataboy sa malayo tulad ng daga

nasa tabing ilog, riles, estero sila
mapanganib na lugar ang bahay nila
at doon daw ay dapat silang lumayas na
pinangakuang may relokasyon daw pala

ngunit relokasyon ng dukha karaniwan
ay sa malayong lugar, sa may talahiban
masukal yaong kanilang pinagtapunan
walang tubig, walang bahay, tila libingan

pulos pangako ng bagong buhay sa dukha
iyon pala'y buhay ng dukha'y mas lumala
sa relokasyong puno ng hirap at luha
tingin sa dukha'y di na tao kundi daga

inilayo sila sa kanilang trabaho
nagugutom ang kanilang pamilya rito
itinapon na sila doon ng gobyerno
pagkat masakit sa mata ng mga ito

dahil sa relokasyon walang kabuhayan
kaya dukha'y babalik sa pinanggalingan
kayang tiiising barung-barong ang tahanan
ngunit di nila matiis ang kagutuman

ibebenta ang bahay dahil di makain
ang napagbentahan ang siyang gagamitin
upang yaong pamilya nila'y makakain
bahay, di ang gutom, ay kaya pang tiisin

kaya huwag magtaka kung dukha'y bumalik
sa pinanggalingan, sila'y sabik na sabik
barung-barong titiisin na't di iimik
relokasyon kasi'y kulang-kulang ang salik

mas nanaisin pa nila sa pinagmulan
kaysa relokasyong tila isang libingan
gusto nila'y mabuhay, hindi kamatayan
sa relokasyong nais ng pamahalaan

dapat yata'y palitan ang sistemang bulok
lalo na yaong malasadong nasa tuktok
upang bayan ay di pamunuan ng bugok
at nang mga dukha'y di nila madayukdok

Di Masisira ang Taong Tapat

DI MASISIRA ANG TAONG TAPAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Slander cannot destroy an honest man –
when the flood recedes the rock is there – Chinese Proverb


di mawawasak ng anumang paninira
ang dangal ng taong tapat at may tiwala
tulad ng bahang kaylakas na sa paghupa
batong binaha'y nakatindig di nauga

halina't kilalanin yaong taong tapat
ang pagkatao niya'y sa dangal nasukat
pagkat anumang paninirang isiwalat
ay mabibistong walang kwenta ang bumanat

di siya mayayanig na tulad ng bato
pagkat siya'y taong tapat at may prinsipyo
matindi kung manindigan at taas-noo
bihira ang tulad niyang taong totoo

isang taas-kamao'y handog ko sa kanya
at ang bilin ko pa'y mag-ingat lagi siya
pagkat binabato yaong punong mabunga
kaya dapat lang siyang magpakatatag pa

Pagsisikhay

PAGSISIKHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig

patuloy tayong magsikhay
nang makamit ang tagumpay

anuman ang ating lagay
kumilos tayo ng husay

huwag agad maglupasay
kung tayo man ay sumablay

ang prinsipyong "never say die"
ang tanganan nating tunay

Tulugan Nila'y Putikang Bangketa


TULUGAN NILA'Y PUTIKANG BANGKETA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bangenge na naman ang mga batang lansangan
baka muling nag-rugby nang gutom ay maibsan
gegewang-gewang na sila’t tulala na naman
pati putikang bangketa’y ginawang tulugan
kartong sapin lang ang pansamantalang tahanan

silang natutulog sa bangketa’y buto’t balat
sila’y tulog na ngunit mata’y mistulang dilat
mapupula, bilog na bilog, nakamulagat
kayhimbing ng tulog kahit araw na’y sumikat
gigising ng gutom kahit ramdam nila’y bundat

sadyang kaytagal na nilang laman ng lansangan
mula pagkasilang doon na pinabayaan
sa kanila’y inutil itong pamahalaan
at walang magawa sa kanilang kalagayan
salot nga ba sila o biktima sa lipunan?