Linggo, Agosto 23, 2020

Pagsakay sa eroplano't paglalakbay

ang eroplano'y inimbentong tinulad sa ibon
na sa himpapawid ay nakalilipad din iyon
di nagawa ni Icarus na makalipad noon
at nagawa ng Wright Brothers ang kanilang imbensyon

nakakatuwa ang eroplanong inihahatid
itong tao sa pamamagitan ng himpapawid
nararating ang ibang bansa, walang nalilingid
marami kang nakakasalamuha't  nababatid

aba'y narating ko nga ang ibang bansa sa Asya
tulad na lang ng bansang Japan, Thailand, Burma't Tsina
habang narating ko rin ang malamig na Europa
lumahok din sa Climate Walk at naglakad sa Pransya

sa maliit na eroplano'y sumakay din naman
galing Davao, Cebu, Cagayan de Oro, Palawan
dahil sa mga isyung karapatan at kalikasan
bilang tibak na hangad ay makataong lipunan

pasaporte ko na'y paso, di muling makasakay
sana'y may pagkakataon muling makapaglakbay
upang mga adbokasya'y mataguyod kong husay
sa tagaibang bansa't tupdin ang prinsipyo't pakay

- gregbituinjr.

Naabot din ang 1,000 sudoku

Naabot ko rin ang 1,000 sudoku games na na-download ko mula sa internet. Bukod sa math games ay sudoku ang aking palipasang oras pag di nagsusulat. Dahil nakasanlibong nasagutang sudoku, napatula ako:

NAABOT DIN ANG SANLIBONG SUDOKU

isang libong sudoku na rin ang aking naabot
na kinagiliwang laro sa selpon at nasagot
di lang pulos numero kundi lohika ang dulot
kaysarap nitong laruin at di ka mababagot

may arawan, bawat petsa, ang aking nasagutan
daily sudoku na umabot higit walong daan
maaaring pumili ng lebel na pahirapan
custom sudoku, na umabot higit isang daan

noon, binibili ko'y mga libretong sudoku
may manipis, may makapal na akala mo'y libro
maraming perang ginugol, makabili lang nito
dahil sa lockdown, sa internet na'y nag-download ako

bukod sa pagsulat, pagtanim, at gawaing bahay
bukod sa pagbabasa ng anuman, pagninilay
ang pagsagot ng sudoku ang nilalarong husay
kaya ang sanlibong sudoku'y ganap nang tagumpay

- gregbituinjr.
08.23.2020

Mabuti pang maging frontliner kaysa maging tuod

iniisip ko, mabuti nang mamatay sa COVID
kaysa parang tuod sa bahay, sa dilim nabulid
buti pang maging frontliner pag buhay ko'y napatid
kaysa parang uod lang sa tae, nanlilimahid

sana'y maging frontliner sa panahong kwarantina
kaysa parang tuod na nakatulala tuwina
sana'y makatulong pa rin sa problema ng masa
lalo't ako'y tibak, sagad-sagaring aktibista

kahit sana tagabalot ng mga ibibigay
na relief goods, basta maging frontliner na ring tunay
kaysa laging tititig sa kisame't nagninilay
baka lundag lamang ng butiki ang ikamatay

kung mamamatay ako dahil sa coronavirus
ayos lang basta naging frontliner din akong lubos
kaysa isang tuod, stay-at-home, parang busabos
buti pang naging frontliner na tuloy sa pagkilos

buti't di pa ako nagkakasakit hanggang ngayon
ngunit ayokong maging tuod na pulos lang lamon
sana'y maging frontliner na may gagawin maghapon
kaysa maging langaw sa tae, ayoko ng gayon

- gregbituinjr.

Ang pagbabalik sa tunay na ako

oo, nais ko nang bumalik sa tunay na ako
di tulad ngayon na tila ako'y isang anino
dusa't ligalig itong dama sa payapang mundo
esensya ng buhay ay di ko maramdaman dito
sa malayong probinsyang tila baga sementeryo

walang naitutulong sa laban ng maralita
gayong sekretaryo heneral ng samahang dukha
di rin nakakalahok sa laban ng manggagawa
dahil kwarantina pa't sa bahay lang naglulungga
nagninilay ng anuman, laging naaasiwa

dapat gumising na sa matagal kong pagkaidlip
ayokong maging pabigat kahit sa panaginip
tila uod ako sa taeng ayaw mong mahagip
tila damong ligaw ako sa gubat na kaysikip
kung sino ako'y balikan, nang sarili'y masagip

di ako ito, na isang anino ng kahapon
tila ako'y isang multo, kailan ba babangon
sa kwarantina'y nalulunod, paano aahon
nais ko nang bumalik sa kung sino ako noon
makilos na tibak, may adhika, prinsipyo't layon

- gregbituinjr.