Linggo, Oktubre 11, 2009

Makakaahon Din Tayo

MAKAKAAHON DIN TAYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lugmok tayo at dapang-dapa na
dahil tayo'y pawang nasalanta
ng delubyong tumama sa masa
kaya ngayon tayo'y nasa dusa

marami ang nawalan ng bahay
at marami rin ang nasa hukay
kaya kayrami ngang nalulumbay
pagkat nasira'y kanilang buhay

sa puso'y tinik itong bumaon
at tayo'y unti-unting nilamon
ating harapin ang bagong hamon
sa pagkadapa'y dapat bumangon

gaano man kalakas ang bagyo
dapat lagi tayong preparado
kung magtutulungan bawat tao
tiyak makakaahon din tayo

Sulyap ng Pag-asa

SULYAP NG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Sa kabila ng unos ay may pag-asa
Na daratal ang panibagong umaga
Kaya pag bukang liwayway ay dumatal na
Pag-asa ang hatid sa lahat ng masa



Ondoy at Pepeng

ONDOY AT PEPENG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

nang biglaang dumating
sina Ondoy at Pepeng
marami ang napraning
at nagpagiling-giling

pagkat dalawang unos
sa kanila'y tumalbos

dulot nila'y delubyo
kayraming apektado
sadyang kaytindi nito
kinawawa ang tao

mga tao'y pinulbos
lalo ang mga kapos

tao'y di napalagay
sa kayraming namatay
nangalunod ng buhay
sadyang nakakalumbay

di agad sumaklolo
yaong nasa gobyerno

marami ang lumubog
nang umapaw ang ilog
at delubyo'y kaytayog
na sa masa'y uminog

mga mahal sa buhay
kami'y nakikiramay

Ondoy, Pepeng, kaytindi
tao'y di napakali
gobyerno'y walang silbi
sa mga pangyayari

palitan ang sistema
nang tayo'y di magdusa

Mga Puno'y Ating Itanim

MGA PUNO'Y ATING ITANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di tayo dapat mabuhay sa lagim
ng delubyong dahilan ng panindim
hangga't may araw pa't di pa dumilim
sari-saring puno'y ating itanim

tamnan natin ang nakakalbong bundok
mula sa paanan hanggang sa rurok
palitan na rin ang sistemang bulok
na sa dangal natin ay umuuk-ok

ang mga puno'y kaylamig sa mata
sa mga nakakakita'y kayganda
lalo na kung ito'y maraming bunga
na gamot sa gutom ng bawat isa

puno'y sisipsip sa tubig ng unos
kaya puno'y pananggalang ding lubos
at pambuhay din sa mga hikahos
kaya huwag hahayaang maubos

pagkat puno'y mainit na sa mata
ng nagnenegosyong kapitalista
tingin agad nila'y trosong pambenta
at 'dala ng puno'y malaking pera

nais nila'y ang kalbuhin ang gubat
imbes kunin lang ay kung anong sapat
wala nang puno sa gubat na salat
sa minsang unos ay nagiging dagat

kaharap nati'y panibagong hamon
nasa ating kamay yaong solusyon
magtanim na tayo ng puno ngayon
kung ayaw nating sa baha'y mabaon

bawat paraan ay ating isipin
nang kalikasa'y maaruga natin
pagtatanim ng puno'y ating gawin
para sa bukas ng lahat sa atin

Kalbong Bundok

KALBONG BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

wala nang puno sa may kabundukan
dahil kinalbo ng mga gahaman
mga ibon na'y walang madapuan
mga puno'y nawala nang tuluyan

pagkat kanila nang pinagpuputol
puno'y kalakal ang kanilang hatol
tubo yaong lakas na sumusulsol
hinahasa na ang mga palakol

lumubog ang lungsod dahil sa baha
kaya maraming taong nakawawa
lalo na yaong mga maralita
dukha na nga'y lalo pang naging dukha

kalbo na ang bundok, bundok na'y kalbo
pagkat winasak ng mga berdugo
pag bagyo'y dumating, agad delubyo
tao'y dahilan, kawawa ang tao

nang dahil sa tubo'y biglang nalugmok
pagkat niyakap ang sistemang bulok
produkto nila'y itong kalbong bundok
kaya taumbayan na'y nagmumukmok

sa lakas ng unos ay di mahigop
nitong mga punong dahop na dahop
pawang mga tubig ang sumalikop
sa mga taong di nito makupkop

kaya halina't magtanim na tayo
huwag pabayaang bundok ay kalbo
baka sakaling masagip pa nito
yaong tao kung muling may delubyo

halina't magtanim tayo ng puno
dahil sa kalikasan, di sa tubo
iwasan nang tayo'y maging maluho
at baka tayo'y tuluyang maglaho