Lunes, Mayo 8, 2023

Ang puting buwan

ANG PUTING BUWAN

may isang awiting nagsasabing "dilaw na buwan"
habang ako nama'y nakatanaw sa puting buwan
"dilaw na buwan" niya'y ano kayang kahulugan?
tara, kanyang liriko'y atin munang pasadahan

"sa ilalim ng puting ilaw sa  dilaw na buwan
pakinggan mo ang aking sigaw sa dilaw na buwan"
anya pa, ayaw niyang tumanda sa kalungkutan
makasama lang ang sinta'y kanya nang kasiyahan

makahulugan ang "dilaw na buwan" sa umawit
habang kita ko'y puting buwan pagtanaw sa langit
dumidiga siya sa dilag, pag-ibig ang bitbit
at ang kariktan ng dilag sa buwan na'y naukit

ah, puting buwan mang aking nakikita sa taas
ay sagisag na handog sa kasi'y pagsintang wagas
ngunit di sapat ang alay kong tsokolate't rosas
kung wala naman akong pambili ng kabang bigas

- gregoriovbituinjr.
05.08.2023

Positibong palakasan, negatibong palakasan

POSITIBONG PALAKASAN, NEGATIBONG PALAKASAN

dalawang kahulugan, positibo, negatibo
depende paanong salita'y gagamitin mo
palakasan ang sports pag sa wikang Filipino
palakasan din pag may pagtiwali sa proseso

kaya magandang maghanap ng panibagong salin
sa sport na di na palakasan ang gagamitin
upang maiwasan natin ang kaibang pagtingin
lalo na't negatibong kaugalian sa atin

sa pahayagan ngayon ay kitang-kita talaga
ang magkabaligtad na kahulugan ng dalawa
anim na ginto sa PALAKASAN ang bumandera
habang sistemang PALAKASAN ay tutuldukan na

baka negatibong palakasan na'y manatili
kaya salin ng sports ang ibahin kung sakali
ito'y panawagan na't dapat tayong makapili
upang maipagbunyi ang sa sports magwawagi

- gregoriovbituinjr.
05.08.2023

* ang litrato ay mula sa una at huling pahina ng dyaryong Pilipino Star Ngayon, Mayo 8, 2023

Gutom na ang kuting

GUTOM NA ANG KUTING

kay-amo ng mukha ng isang kuting
na ngiyaw na ng ngiyaw pagkagising
nagutom sa kaytagal na paghimbing
sa magdamag, tila bunso sa lambing

mamaya'y pakakainin ko sila
ng kung anong sa isda ay natira
di lamang tinik, may laman talaga
lalo't ulo na gustong-gusto nila

pag gutom, di rin ako mapalagay
tulad ng kuting na ngiyaw ng ngiyaw
ako'y patuloy na nakasubaybay
sa kanila, sa gabi't araw-araw

napapansin ko'y aking sinusulat
talambuhay nila'y naiuulat
at binibidyuhan pa silang sukat
bilang patunay ng nadadalumat

- gregoriovbituinjr.
05.08.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/ko6vAeL76p/

Almusal ko'y sinaing na tulingan

ALMUSAL KO'Y SINAING NA TULINGAN

anong sarap niring aking agahan
sa palengke'y nakabili na naman
ng ulam na sinaing na tulingan

bigas na mais pa ang aking kanin
aba'y talagang nakabubusog din
at may kapeng barako pang inumin

tila baga ako'y nasa Batangas
gayong nasa Q.C. lang pag nawatas
ayos na kahit walang panghimagas

kaysarap pa ng sabaw nitong patis
ng isda, kalamyas pa'y di matiis
na pag pinapak mo'y ngingiting labis

tarang mag-almusal, saluhan ako
upang maibahagi ko sa iyo
itong sarap na nararamdaman ko

sinaing na tulingan nga'y kaysarap
tila hinehele sa alapaap
ng aking mga lunggati't pangarap

- gregoriovbituinjr.
05.08.2023

Hinawan

HINAWAN

salitang ugat ng "hinawan" ay dalawa
ginamitan ng gitlapi at hulapi pa
hawan ang aking napagtanto noong una
ngunit nang makita ko ang sagot, iba pala

hinawan, tulad ng hinawan ko ang landas
na sa panitikan ginagamit madalas
hinawan pala, kung saan ka naghuhugas
o naghihinaw ng kamay, aking nawatas

bata pa ako, maghinaw na'y aking batid
dahil si ama, iyan ang salitang gamit
bago kumain, maghinaw ang magkapatid
sa pagsakol sa kanin, kamay na'y malinis

paghawan ng landas ay gamit ko sa tula
na minsan nababasa sa kwento't pabula
kaya sa palaisipan ay natunganga
sa hinawan ay ano bang ibang salita

isa ring nakabibiglang aral sa akin
salitang ugat ay iba kung unawain
di hawan, kundi hinaw, pag iyong isipin
at hulaping -an ang panlaping gamit man din

lababo pala yaong sagot sa hinawan
doon naghihinaw ng kamay kadalasan
iba ang hawan na gamit sa kaparangan
paghahawan ng damo upang malinisan

- gregoriovbituinjr.
05.08.2023