Huwebes, Hulyo 23, 2009

Kamatayan ng Isang Sistema

KAMATAYAN NG ISANG SISTEMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Nagbabaga ang takipsilim sa kanluran
Na para bang magdadala ng kamatayan
May nagbabadya ring unos sa mamamayan
Ngunit hindi natin malaman kung kailan.

Habang ang uring manggagawa'y nangangarap
Na mag-aklas nang maibsan ang paghihirap
Ng sambayanang hindi naman nililingap
Ng gobyernong inutil at aandap-andap.

Nais nilang matupok ang sunog na dala
Ng bulok na sistemang mapagsamantala
Nais nilang durugin ang mga balyena
Na naroon sa Kongreso't tatawa-tawa.

Ngunit sa pulitika, trapo'y naghahari
Sa ekonomya'y bayan ang dinuduhagi
Tila pinagtatawanan tayo palagi
Ng mga trapong sa ati'y umaaglahi.

Paano ba natin tuluyang dudurugin
Ang sistemang sa atin ay umaalipin?
Paano ba natin tuluyang haharapin
Ang mga problemang dumudurog sa atin?

Sakdal-tindi ang ating nakakamtang lumbay
Kung magpapabaya lang sa kanilang sungay
Kung tutunganga'y unti-unting mamamatay
Lalaban tayong bukas ang nakasalalay.

Kalayaan natin ay kanila nang inagaw
Kaya't kikilos tayo't di basta papanaw
At dito sa silangang sikatan ng araw
May pag-asa't bukas pa tayong natatanaw.

Adhika nati'y kamatayan ng sistema
At kamatayan rin sa mapagsamantala
Sa malalim na hukay ibabaon sila
Upang sila'y di na muling makabangon pa.

At sa kalupaan ay ihahasik natin
Yaong binhi ng paglayang sa puso'y angkin
Binhi ng kalayaan ay patutubuin
At walang anumang pribadong aariin.

Ngunit hindi tayo dapat na maghintay pa
Ang galit sa sistema'y ramdam na ramdam na
Patuloy tayong kumilos at magkaisa
Hanggang ang sistema'y kapusin ng hininga.

Panawagan ng mga Dukha

PANAWAGAN NG MGA DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Nais nami’y pabahay, pagkain, trabaho
Hindi Con Ass, hindi trapo, hindi martial law
Nais rin namin ng tunay na pagbabago
At isama sa pag-unlad ang mga tao

Kasalukuyang gobyerno’y walang magawa
Upang umunlad ang buhay ng mga dukha
Kami pa rin ay gutom at nagdaralita
Sa gobyernong ito’y wala kaming napala

Ayaw rin naming mag-Con Ass itong Kongreso
Pagkat dayuhan ang makikinabang dito
Lupa’y aariin ng sandaang porsyento
Aagawin na ito sa mga Pilipino

Dapat trapo rin ay mawala nang tuluyan
Dapat mawala ang naghahari-harian
Dapat madurog ang sumasakal sa bayan
Pati na ang mga bentador na gahaman

Ang mga bombahan ay dapat nang matigil
Pagkat maraming buhay na ang nakikitil
Mga may pakana nito’y dapat masupil
Silang nais ng martial law sa masa’y taksil

Nais namin ay isa nang bagong sistema
Isang sistemang walang pagsasamantala
Sistemang hindi pagtutubuan ang masa
Kaya tayong lahat ay dapat magkaisa

Nais nami’y pabahay, pagkain, trabaho
Hindi Con Ass, hindi trapo, hindi martial law
Nais rin namin ng tunay na pagbabago
At isama sa pag-unlad ang mga tao

Mahalin natin ang kalikasan

MAHALIN NATIN ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

mahalin natin ang kalikasan
pagkat isa lang ang ating mundo
kung ito'y ating pababayaan
tiyak magiging kawawa tayo

papayag na ba tayong mawala
ang mundong kinalakihan natin
papayag na ba tayong masira
itong daigdig na sadyang atin

hindi, huwag, pagkat kawawa lang
ang bukas ng ating mga anak
at huwag pabayaan sa hunghang
baka mundo'y lalong mapahamak

alagaan natin ang daigdig
ito'y huwag nating pabayaan
pagkat ito'y pugad ng pag-ibig
ng marami nating mamamayan