Miyerkules, Agosto 13, 2025

Kasaysayan at lipunan ay pag-aralan

KASAYSAYAN AT LIPUNAN AY PAG-ARALAN

bayani nga'y nagbilin sa bayan:
"matakot kayo sa kasaysayan
walang lihim na di nabubunyag"
madaling tandaan, maliwanag

ang bilin nila't yapak ay sundan
na pag-aralan ang kasaysayan
at pag-aralan din ang lipunan
kung nais natin ng kalayaan

lumaya sa pagsasamantala
lumaya sa bulok na sistema
lumaya sa kuhila't burgesya
at pulitikal na dinastiya

uring obrero'y pagkaisahin
tungong mapagpalayang layunin
iba pang sektor, pagkaisahin
at isyu nila'y ating aralin

at ipaglaban, kasama'y dukha
pesante, vendor, babae, bata
mangingisda, uring manggagawa
sa pakikibaka'y maging handa

- gregoriovbituinjr.
08.13.2025

Kamatayan ng dalawang boksingero

KAMATAYAN NG DALAWANG BOKSINGERO

dalawang namatay na boksingerong Hapon
kapwa bente otso anyos ang mga iyon
ito'y sina super featherweight Shigetoshi
Kotari, lightweight Hiromasa Urakawa

ayon sa balita sa pahayagang Bulgar
kapwa lumaban sila noong Agosto Dos
nagka-brain injury ilang araw matapos
ang laban, naalarma ang Japanese boxing

pangyayaring ito'y agad pinag-usapan
pagkat nakababahala ang kaganapan
dehydration ang itinuturong dahilan
at ang mabilis na pagbabawas ng timbang

bawasan daw ang laban, ang naging posisyon,
sa Oriental and Pacific Federation
ngunit sapat kaya ito bilang solusyon
nang di maulit ang pagkamatay na iyon

- gregoriovbituinjr.
08.13.2025

- ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 13, 2025, p.11 

Esposas

ESPOSAS

sa wikang Kastila pala'y dalawa
ang ibig sabihin nitong esposas
ito'y posas at maraming asawa
sa atin, mas asawa ang nawatas

ngayong Buwan ng Wika'y pag-usapan
paano nga ba iyan naisalin
lumaganap sa panahong nagdaan
hanggang buong bayan ito'y gamitin

magkaroon ba ng asawa'y posas
piniit ka sa kontrata ng kasal
wala kang kawala't di makalabas
hanggang sa tumanda't kayo'y magtagal

esposa, posas, laro ng salita
halaw na wika'y hindi na naalis
nananatili, at nauunawa
ng mamamayan, di lang ng marites

- gregoriovbituinjr.
08.13.2025

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Agosto 12, 2025, p.5