Biyernes, Hunyo 28, 2024

Pag-iwas sa karne

PAG-IWAS SA KARNE

nagnais akong mamuhay ng bedyetaryan noon
ngunit nang magka-pandemya'y nagka-COVID paglaon
bedyetaryan ay itigil, payo ng ninang iyon
nang lumakas ang katawan, makaiwas sa pulmon

paminsan-minsan na lang akong kumain ng karne
isda't gulay pa rin ako, nasabi sa sarili
nang minsan si misis ay longganisa ang binili
tatak: Longganisang Calumpit, ito ba'y mabuti?

sabi nga sa Koran, huwag nang kumain ng baboy
upang lumusog ang katawan at di laging kapoy
payo'y sinusunod ko ngunit minsan natataboy
upang kumain ng letson sa piging na natuloy

subalit sa pag-iisa, kamatis lang, ulam na
bawang, sibuyas, at mga talbos ay idagdag pa
sana, sa mga karne ay makaiwas talaga
at maging malakas pa rin ako, O, aking sinta

- gregoriovbituinjr.
06.29.2024

Scammer?

SCAMMER?

tatlong magkakaibang numero ang nagpadala
sa akin ng iisang mensahe lang pag nabasa
at sa aking numero, may pinadala raw pera
ngunit bakit tulad ko ang kanilang pinuntirya?

dahil ba mukhang mahina't kayang lokohin nila?
na madali lang mauto ng di nila kilala?
na ang tulad kong dukha'y baka may naipong pera
na naghahanap ng swerte sa kanilang paripa

may dalawang libo, limang daang pisong padala
na upang makuha mo, magbigay ka ng singkwenta
pesos na pinasasali ka sa kanilang bola
kahina-hinala, di ba? magpapabola ka ba?

may perang padala, then, kukunan ka ng singkwenta
ano 'yun? kunwari-kunwarian lang na nanalo ka?
pag sampu'y nauto, may limang daang piso sila
pag sandaang tao naman, limang libong piso na

pasingkwenta-singkwenta lang at sila'y tiba-tiba na
aba'y kayraming simcard pa ang ginagamit nila
kaya huwag magpauto, huwag maging biktima
sa kanilang gawaing masama upang kumita

- gregoriovbituinjr.
06.29.2024

Ninenok nga ba ang pangalan?

NINENOK NGA BA ANG PANGALAN?

nabasa ko na sa nobela ni Frederick Forsyth
na nagnenok ng pangalan ang pangunahing bida
o kontrabida sa nobelang "The Day of the Jackal"
na misyong patayin si French president Charles De Gaulle

napanood ko rin ang film na Jackal ni Bruce Willis
na mukha ng karakter dito ay pabago-bago
bise presidenteng babae ang puntirya nito
subalit napigilan siya ni Richard Gere dito

ngayon sa pahayagan, isang alkalde umano
ang nagnenok ng pangalan ng kung sinumang tao
sa "The Day of the Jackal" nagpunta ng sementeryo
ang bida, namili sa lapida ng ngalan nito

ginawa'y pekeng dokumento gamit ang pangalan
upang itago ang sariling pagkakakilanlan
upang magawa ang pinag-aatas ng sinuman
para sa layunin nilang di natin nalalaman

napapaisip lang ako sa mga nangyayari
lalo na sa isyu ng POGO at West Philippine Sea
dapat mabatid natin anong kanilang diskarte
upang bansa'y maipagtanggol sa mga salbahe

- gregoriovbituinjr.
06.29.2024

* ulat at litrato mula sa pahayagang Abante, headline at pahina 2, Hunyo 27, 2024

Ang Wikang Filipino sa palaisipan

ANG WIKANG FILIPINO SA PALAISIPAN

sa Pahalang Labimpito
Tanong: Wikang Filipino
subalit ang sagot dito'y
Tagalog, tama ba ito?

Filipino nating wika
sa Tagalog batay sadya
na isinabatas pa nga
si Quezon yaong gumawa

ang wika'y di lang Tagalog
kundi Filipino, irog
isang wikang tinaguyod
na pambansa pag nasunod

sa tanang palaisipan
wikang pang-Katagalugan
ay wika ng buong bayan
ngunit sa ngayon lang iyan

sapagkat wikang Iloko
Bisaya man at Ilonggo
Tausug, Waray, at Pampanggo
ay wika ring Filipino

darating din ang panahon
samutsaring wikang iyon
pag nasama sa leksikon
magiging wika ng nasyon

- gregoriovbituinjr.
06.29.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Abante, Hunyo 26, 2024, p.10