Linggo, Nobyembre 14, 2021

Ang maging makatâ

ANG MAGING MAKATÂ

"To be a poet is more than a hobby, more than a profession - its a divine calling." ~ Maria Criselda Santos

ang maging makata'y higit pa sa isang libangan
na nawiwili ka lang gawin at nasisiyahan
ito'y higit pa sa propesyon o hanapbuhay man
pagkat ang maging makata'y tawag ng kabanalan

ito'y kaygandang sambit ni Maria Criselda Santos
sa f.b. page na Quote in the Act ay nakitang lubos
ang maging makata'y banal kahit binubusabos
tila ba ako'y banal na tinawag kahit kapos

kalakip ng kanyang sinabi'y may mga litrato
ng makatang magagaling sa historya ng mundo
naroon sina William Shakespeare at Edgar Allan Poe
pati na sina Balagtas at Emilio Jacinto

anong sarap pakinggan ng kanyang mga tinuran
makata'y nasa toreng garing o langit-langitan
subalit ako'y manunulang sanay sa putikan
at di maisip na ginagawa ko'y kabanalan

lalo't may sinasagasaan ang mga tula ko
na laban sa pagsasamantala't kapitalismo
ako man ay kasama sa aklasan ng obrero
at sumasalungâ sa lungsod na mala-impyerno

at kay Maria Criselda Santos, salamat talaga
banal kaming makatâ bagamat nakikibaka
para sa karapatan at panlipunang hustisya,
para sa uri, para sa bayan, para sa masa

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Kalusugan

KALUSUGAN

napapansin kong maraming nagkasakit at kapos
na ang pandemyang ito ang sa kanila'y umulos
subalit nais kong tumulong sa mga hikahos
nais ko ring magboluntaryo sa Philippine Red Cross

lalo't dinanas kong ma-covid at nagpapagaling
kaya pagboluntaryo'y bahagi ng pagkagising
dapat may kasanayan ako, natapos na training
tulad ng first aid o contact tracing, ngunit di nursing

dapat magpagaling habang tumutulong sa iba
lalo't may diabetes at tuberculosis pala
magbasa hinggil sa kalusugan at medisina
pati halamang gamot bilang gawaing pangmasa

anumang mapag-aralan ay dapat madalumat
bilang makatâ, bilang matiyagang manunulat
marahil sa ganito'y makatulong akong sapat
at ibahagi sa masa anumang naisulat

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Tabletas

TABLETAS

dapat mga gamot ay tuloy-tuloy kong inumin
mula sa reseta ng doktora'y binili namin
dalawang klaseng tableta itong dapat lulunin
may nakasulat sa kahon na mahigpit na sundin

isa'y tatlong beses kada araw, kapag kainan
ibig sabihin, agahan, tanghalian, hapunan
subalit ang isa pa'y dalawang tableta naman
medya ora bago agahan, sa buong sambuwan

nagpa-check up muna bago sa probinsya umalis
dahil nagka-covid, ilang linggo ko ring tiniis
nakitang resulta'y pulmonary tuberculosis
iyon daw ay sanhi dahil ako'y may diabetes

mula Benguet General Hospital ay nagdesisyon
na lilipat kami ng ospital sa Lungsod Quezon
may trabaho na kasi si misis malapit doon
ako'y babalik na rin sa aking trabaho roon

anang doktora'y anim na buwan daw ang gamutan
mahirap namang pabalik-balik sa lalawigan
bawat payo ng doktora'y aming gagawin naman
umaasang gumaling, gumanda ang kalusugan

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Pagkatha

PAGKATHA

di pa rin ako titigil sa paggawa ng akda
kahit namroblema sa isang pesbuk kong nawala
di pa rin ako titigil sa pagkatha ng tula
wala mang mag-like sa pesbuk ng binahaging katha

kung meron mang mag-like, isa, dalawa, o tatlo man
pasasalamat ang tanging masasabi ko na lang
marahil, ayaw ng di nag-like ang kaparaanan
ko ng pagtula, o yaong paksa'y di nila ramdam

nagsimula sa pagiging dyornalistang pangkampus
naging features literary editor kahit kapos
hanggang lumabas ng kolehiyo't nakipagtuos
laban sa sistemang bulok, kakampi ang hikahos

hanggang ngayon, tuloy ang pagdalumat at pagsulat
sa landas ng putik ay patuloy sa pagmumulat
mga prinsipyo't diwang sa proletaryo nagbuhat
kasuhan man, isusulat gaano man kabigat

pagsulat ng sanaysay ang akibat kong tungkulin
pagkatha naman ng tula'y niyakap kong layunin
iyan ang daluyan ng adhika, dusa't panimdim
diyan dumadaloy ang aking liwanag at dilim

anumang paksâ sa paligid ay bibigyang buhay
isyu man ng manggagawa't dukha'y isasalaysay
kasangga ng uri, nagsisikhay at nagninilay
upang malabanan ang pagsasamantalang tunay

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Pesbuk

PESBUK

di ko na mabuksan pa ang pesbuk kong pampamilya
di ko kasi na-update iyon nang magsabi siya
nalimutan nang tinawag ni misis ng "Kain na!"
nalimutan ang deadline o ibinigay na petsa

gamit ko pa naman iyon ng labingtatlong taon
laksang kasaysayan pa naman ang natipon doon
Climate Walk, Yolanda, Paris, litrato'y naroroon
kaklase, kaibigan, alaala ng kahapon

naroon din ang kapuso, kapamilya, kapatid
kayrami pa namang tulang sa masa'y inihatid
pati kaalamang ibinahagi't pinabatid
Nobyembre Trese nang pesbuk kong iyon ay mapatid

di ko lang siya mabuksan subalit di nawala
sana kahit di na mabuksan ay huwag mawala
bago pesbuk, friendster at multiply ko na'y nawala
na kayrami ko ring naipon doong mga akda

tinuturing kong mga akda'y gintong kalipunan
ng pinagdaanan, karanasan ko't kasaysayan
kung nais mo akong makilala, sa pesbuk tingnan
makatâ mang gipit, mga akda'y para sa bayan

Nobyembre Trese, alas-tres ng hapon nang mawalâ
may ibabahagi pa naman akong bagong kathâ
labingtatlong taon kong gamit, ako'y napaluhâ
Trese, alas-tres, labingtatlo, anong ugnay kayâ

kasalanan ko, di ko na-update, nakalimutan
tila di natuto sa nakaraang karanasan
nawala ang isa noong pandemya'y kasagsagan
pinadala ang code sa sim na sa lungsod naiwan

isa itong aral na talagang nakagigitla
kaklase't kamag-anak na naroon ay nawala
sana'y masaliksik pa rin ang dating nalathala
na baka kailanganin para sa bagong akda

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Liway

LIWAY

wala akong talasalitaan nang patunayan
ngayon upang saliksikin ano bang kahulugan
talaga ng LIWAY na sagot sa palaisipan
kundi nakabatay lang sa naroong katanungan

nasa tanggapan sa Pasig ang aking diksyunaryo
sangguniang U.P. Diksiyonaryong Filipino
na di nadala sa probinsya kung nasaan ako
at malaking tulong sana sa pagsusulat dito

sa labing-apat pahalang, kakaiba ang tanong
"Hindi kinakapitan ng sakit," ano ang tugon
tingnan ang pababa't pahalang, ano kaya iyon
LIWAY ang sagot, at may salitâ palang ganoon

kung tao man iyon, aba'y sino kaya ang LIWAY
sila ba'y may agimat sa pagbubukang-liwayway
dito kaya ipinangalan si Kumander Liway
di kinakapitan ng sakit, malusog, matibay

paano maging LIWAY upang di tablan ng sakit
tulad ba ng anting sa saging, ito'y aking hirit
salamat sa palaisipan, sa tulad kong gipit
may salitang LIWAY, pag-asang hahanaping pilit

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021