Linggo, Abril 6, 2008

Pinoy, Matiisin?

PINOY, LAGI BANG MATIISIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Pilipino nga ba’y sadyang matiisin
Laging magtitiis, nahihirapan na?
Magtitiis pa rin, wala nang makain?
Magtitiis pa rin kahit nagdurusa?

Mali na ang batas, di pa lumalaban
Bulok ang sistema’y tiis pa ng tiis
Peke ang pangulo, walang pakialam
Lagi nang bahala, magtiis, magtiis.

Sinong sisisihin, ikaw o gobyerno
Ginugutom ka na’y di pa pumapalag!
Laging bukambibig, “Bahala po kayo.”
Hindi na natutong magsabi ng “huwag!”

Tigilan na itong pagkamatiisin
Silang mapang-api’y iyo nang tirisin!

Sampaloc, Maynila
Abril 6, 2008

Etsapwera

AKO’Y ETSAPWERA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lagi na lamang bang ako’y etsapwera
Sa lipunang itong pulos pagdurusa
Hindi na ba ako dito sasagana
At hindi na rin ba ako liligaya.

Laging etsapwera ang turing sa akin
Ng lipunang itong dapat na baguhin
Prinsipyo kong tangan nais pang gibain
Ang aktibismo ko’y ibig ding wasakin.

Ako ay lalaban, sino pa man sila
At magpapatuloy kahit estapwera
Prinsipyo ko’y hindi nila magigiba
At aktibismo ko’y hindi masisira.

Sige’t ituring na ako’y etsapwera
Mahahanap ko rin kung saan sasaya!

Soneto sa Batang Manggagawa

SONETO SA BATANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(nalikha ang tulang ito matapos ang isang talakayan hinggil sa batang manggagawa sa Child Rights Program ng KPML)

Kami ay batang manggagawa
Nangangalahig ng basura
Paputok din ay ginagawa
Sa dagat, nagpapasabog pa.

Mga gawaing delikado
Itong aming mga trabaho
Bata pa’y isa nang obrero
O lagi na lang bang ganito?

Ano bang aming karapatan
Nais namin itong malaman
Para sa’ming kinabukasan
Dinggin ang aming panawagan:

“Ayaw namin sa basurahan
Nais namin sa paaralan!”

Soneto sa Vendors

SONETO SA VENDORS
(alay sa mga taga-Metro Manila Vendors Alliance o MMVA)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marangal na vendors, kayo’y naglalako
Ng mga panindang pambuhay sa inyo
Ngunit mga tinda’y inagaw, tinago
Ng isang berdugong hindi makatao.

Tinda nyo’y pambuhay sa inyong pamilya
Pambayad sa tubig, kuryente at bahay
Pangkain na ninyo ay inaagaw pa
Nais yata niyang kayo ay mamatay.

Dusa, hirap, gutom, maysakit ang anak
Api, bulsang butas, maraming lumuha
Sunog na kalakal, karapata’y wasak
Ang berdugong hudas ang nagwalanghiya.

Vendors, magkaisa, berdugo’y tanggalin
Hustisya ay dapat lamang ninyong kamtin!

Sampaloc, Maynila
Abril 5, 2008