Linggo, Enero 12, 2014

Isang araw ng muling pagtunganga

ISANG ARAW NG MULING PAGTUNGANGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

What no wife of a writer can ever understand is that a writer is working when he's staring out of the window. ~Burton Rascoe

ah, isang araw na naman akong nakatunganga
tila nagbibilang ng poste't dukhang pinagpala
nandaragit ang agila, seksi'y kaygandang hita
umulan ng yelo't bato, sandamukal ang muta
mga higante'y nagsalpukan, umuga ang lupa
sahod na kayliit, nag-aklasan ang manggagawa
sa barungbarong nilang mahal, inalis ang dukha
bilanggong pulitikal ay naghihintay ng laya
mga desaparesidos ba'y bakit nangawala
sa tunggalian ng uri, may donya't maralita
sa likha ng obrero'y kayraming nagpapasasa
habang pamilya ng obrero'y gipit at kawawa
mayamaya, may malilikha akong kwento't tula
produkto ng isang araw na namang pagtunganga