ARAW NG MGA PU_O
ni Gregorio V. Bituin Jr.
araw ng mga puno
tiyakin nating tayo'y magtanim
upang magkaroon pa ng lilim
laban sa init nitong panimdim
nang makapag-isip ng malalim
araw ng mga puto
kaysarap tikman ng puto bumbong
habang nakaupo sa kamagong
at ang sinisinta'y nakakandong
sa tulad niyang paurong-sulong
araw ng mga pugo
naglulundag doon sa kulungan
ang mga pugong nag-aawitan
kayraming itlog na lilimliman
upang maging pugo ring tuluyan
araw ng mga puro
puro na lang ganyan ang hinampo
ng sinisintang ubo ng ubo
kaya uminom ng gamot ito
kahit walang halo't purong-puro
araw ng mga puyo
dahan-dahang sinuklay ang buhok
nang sumunod ang puyo sa tuktok
tandang ang may puyo'y naging tampok
nang kanyang marating yaong rurok
araw ng mga pulo
kayraming pulo sa karagatan
na lumubog na kamakailan
pagkat mga yelo'y nagtunawan
nang klima'y nagbago ng tuluyan
araw ng mga puso
sinisinta ko'y aking minahal
pagkat hangarin ko'y sadyang banal
ngunit ang puso ba niya'y bakal
at di pansin ang puso kong hangal