Biyernes, Disyembre 25, 2009

Kahulugan ng Pasko'y Bakasyon

KAHULUGAN NG PASKO'Y BAKASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kahulugan ng pasko'y bakasyon
pansumandali sa demolisyon
ng mga dukha sa barung-barong
pampamanhid sa ating emosyon

kaya tayo muna'y maglimayon
pulitika'y bawal muna ngayon
kahulugan ng pasko'y bakasyon
hanggang sumapit ang bagong taon

ngunit pagkatapos ng bakasyon
tuloy na ang bantang demolisyon
pati sapilitang relokasyon
mula danger zone tungo sa death zone

magnilay sa ganitong panahon
hirap pa rin tayo sa paglaon
pag-isipan paano tutugon
sa tawag ng pagrerebolusyon

Paskong tuyo

PASKONG TUYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

laganap pa rin ang kahirapan
kahit krismas tri'y nagkikislapan
panahon dapat ng kasiyahan
ng mahihirap ang kapaskuhan

ngunit hindi pagkat paskong tuyo
pa rin ang buhay dito sa mundo
maluho pa rin ang maluluho
at buhay ng dukha'y gumuguho

isang kahig isang dukha pa rin
ang mga tao dito sa atin
kailan ba sila papalarin
o sistema muna'y babaguhin

paskong tuyo na lang lagi tayo
pagkat sistema'y ito ang gusto

Paskong komersyalismo

PASKONG KOMERSYALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

muli na namang naglipana
ang mga mapagsamantala
lalo't mga kapitalista
para tumubo at kumita

dahil ngayon ay usong-uso
ang komersyalismo sa pasko
kaya bili na tayo dito
at doon ng kahit na ano

kahit di naman kailangan
basta't may pagkakagastusan
dahil may pambayad pa naman
sa panahon ng kapaskuhan

pagbibigayan daw ang pasko
kaya bumili kahit ano
nang tayo'y may ipangregalo
kahit butas na ang bulsa mo

Tatlong Mahahalagang Pakay Ko sa Mundo

TATLONG MAHAHALAGANG PAKAY KO SA MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

may tatlong mahahalagang pakay
kung bakit pa ako nabubuhay
sa mundong itong tigib ng lumbay
at kamtin ito bago humimlay

una'y dapat akong makalikha
ng target na limanlibong tula
kung saan ito'y malalathala
sa apatnapung aklat kong akda

sunod ay ang pagrerebolusyon
sa buhay na ito'y aking layon
sa hirap sosyalismo ang tugon
at dapat kong matupad ang misyon

ikatlo'y ang pag-ibig ko't sinta
na sa buhay ko'y nagpapasaya
inspirasyon ko siya noon pa
tula't rebo'y alay ko sa kanya

tatlong pakay na pinapangarap
na makamit ko't dapat maganap
bago matapos ang aking hirap
ito'y tuluyan ko nang malasap

tula, sosyalismo, Miss M, sila
ang tatlong pakay kong mahalaga
sa diwa't puso'y sadyang ligaya
panitikan, rebolusyon, sinta

Ang Hamon ni Miss M

ANG HAMON NI MISS M
ni greg
10 pantig

tuwing kapaskuhan taun-taon
siya na'y nagtitinda ng hamon
hindi lang ito ang kanyang layon
kundi magmulat sa tao ngayon

kaya minamahal ko si miss m
pag-ibig ko sa kanya'y kaylalim
sa hamon niya ako'y tumikim
kaysarap nga't di ako nanindim

habang nagtitinda siya nito
nagtatalakay ng pagbabago
isa pang layunin niya rito
ay pagkaisahin ang obrero

kaya't si miss m, tayo'y hinamon
pag-aralan ang lipunan ngayon
at magpatuloy sa rebolusyon
sa dusa't hirap ay magsibangon