Huwebes, Pebrero 23, 2017

Huwag n'yong dalhin sa Balaak ang aba kong tula

HUWAG N'YONG DALHIN SA BALAAK ANG ABA KONG TULA

huwag n'yong dalhin sa Balaak ang aba kong tula
pagkat si Taning ay tatawanan lang iyong lubha
iwi kong tula'y para sa bayan at manggagawa
at di sa impyernong ang buhay ay kasumpa-sumpa

tula'y aring dalhin sa Devas na puno ng anghel
pagkat doon ay wala nang pagdurusa't hilahil
kahit ipaabot sa Sangreng aking napipisil
diwatang kahit isang halik ay di ko masiil

ang bawat tula'y katas ng pawis, luha ko't dugo
na nagmula sa haraya't danas sa bawat yugto
kathang sa alapaap at laot na'y bumubugso
upang bigkasing malumanay sa mahal kong bunso

di bagay sa Balaak ang mga tulang kinatha
pagkat bawal doon ang kahit isa mang makata
ayaw ni Taning na sa kanya'y may manunuligsa
na tulad naming makatang kanyang isinusumpa

- gregbituinjr.

* sa teleseryeng Encantadia, ang Balaak ang siyang impyerno at ang Devas ang kalangitan