Biyernes, Mayo 27, 2011

Madilim Pa Ang Bukas

MADILIM PA ANG BUKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Nahan kaya ang dalaga kong nililiyag?
Narito pa rin sa puso kong pumipitlag
Nasa malayo siyang aking namamatyag
Habang narito akong di matinag-tinag.

Sadya bang madilim ang kahapon ko't bukas
Habang kapitalismo'y tila naaagnas
Habang sosyalismo sa Rusya'y tumatagas
Habang ang puso ko'y tila wala nang lunas

Bakas pa sa kamao ko ang pagdurugo
Galing sa kapitalistang basag ang nguso
Galing sa nagdedemolis na uto-uto
Habang elitista'y nagdiriwang ang puso

Ang TV'y hinarap, pinatay ang kompyuter
Pinanood ang balitang tungkol sa poder
Palabas sa TV'y Maguindanao masaker
Habang sa History Channel ay "Life of Hitler"

Kapitalismong ito'y nakaririmarim
Mga obrero'y nabubuhay pa sa dilim
Nakakahinga pa rin kahit takipsilim
Ang pagbabago ba'y kailan masisimsim?

Kahapo'y kaydilim, pati pa ba ang bukas?
Paano ba masa'y maliligtas sa hudas?
Kailan ba ang lipunan magiging patas?
Matamo ko kaya ang pag-ibig nyang wagas?

Kung Mamamatay Ako sa Pagkaidlip

KUNG MAMAMATAY AKO SA PAGKAIDLIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung mamamatay man ako sa pagkaidlip
marahil malalim ang aking iniisip
kasama ang sinisinta sa panaginip
minamahal kong diwatang di ko malirip
ang laman ng pusong di ko ikinainip

kung sa pag-idlip mamatay, wala nang sakit
pagkat di na ramdam, tortyurin man ng pilit
mamamatay sa mundong ang tanong ay bakit
di na natanaw ang inaasam na langit
ng pagbabago ng sistema't mga alit

ngunit may kadakilaan ba pag namatay
habang natutulog ay napugto ang buhay
bakit sa pag-idlip ako mahahandusay
gayong ang isang paa ko na'y nasa hukay
mamamatamisin ko pang sa bala mamatay

aktibista akong di marapat malugmok
sa pagtulog habang kinakagat ng lamok
gayong habang gising pa ay nakikihamok
laban sa kapitalistang sa tubo'y hayok
nakikibaka laban sa sistemang bulok

ngunit hiling ko lamang sa aking pag-idlip
ay makasama ang sinta sa panaginip
sa ganito man lang, may tuwang halukipkip
malulugmok akong siya ang nasa isip
siglo ma'y lumipas, di ako maiinip