Huwebes, Abril 21, 2016

Pagkalas sa martsa

PAGKALAS SA MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kailangan na ring umuwi
paglisan nga'y pananatili
gamutin ang pusong may hapdi
ituloy ang naiwang gawi
balikan ang iniwang lahi
harapin ang mga tunggali
gawin ang silyang bali-bali
habulin ang mga butiki
at dalawin ang naglilihi

magpatuloy sa pagsusuri
ng lipunang kayraming imbi
ng kasaysayang dinuhagi
alipin ay dinggin ng pari
pesante'y suwayin ang hari
obrero'y unahin ang uri
imperyalismo'y mapahikbi
kapitalismo'y mangalugi
ah, kailangan nang umuwi

* kinatha sa DAR ng Abril 21, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Huwad na daan?

HUWAD NA DAAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit baga bumaluktot itong tuwid na daan
repormang agraryo'y di natin totoong nagisnan
CLOA ng magsasaka'y mawawala bang tuluyan
sila ba'y mapapaalis sa lupang tinubuan

hanggang silang magsasaka'y nagpasiyang magmartsa
mula Sariaya'y tinungo ang Korte Suprema
tumungo na rin sa DAR upang magkalinawan na
tuwid na daan ba'y unat o baluktot talaga

nagkaisa't naglakad nang umaga hanggang hapon
mahigit isanlinggong lakad nang kamtin ang layon
sa kanilang kakayahan, ito'y tunay na hamon
upang problema sa lupa'y magkaroon ng tugon

sa mga kasamang naglakad, maraming salamat
at nawa lakad na ito'y magtagumpay na sukat
naglakad tayo nang sambayanan din ay mamulat
na ang laban ng magsasaka'y laban din ng lahat

* binasa sa pagtatapos ng pagtatasa ng nakaraang martsa at pakikipagpulong ng mga magsasaka sa mga opisyales ng DAR, Abril 21, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Di namamatay ang pag-asa

DI NAMAMATAY ANG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

di namamatay ang pag-asa
kaya tuloy tayo sa martsa
kahit magsimba sa umaga
asam na mayroong hustisya
para sa mga magsasaka

di namamatay ang pangarap
maging handa sa hinaharap
di laging panahon ng hirap
may panahon ding lalaganap
ang hustisyang ating hagilap

di namamatay ang prinsipyo
nasa loob na natin ito
manduro man ang pulitiko
gaano man siya katuso
di matibag ang prinsipyado

di namamatay ang pag-ibig
sa pamilyang tunay na kabig
kaninuma'y di padadaig
di magahis ng manlulupig
lalo na't sila'y kapitbisig

* kinatha matapos ang pagtatasa ng nakaraang martsa at pakikipagpulong ng mga magsasaka sa mga opisyales ng DAR, Abril 21, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016