Sabado, Pebrero 20, 2010

Ako'y Putik sa Talampakan ng Diyosa

AKO'Y PUTIK SA TALAMPAKAN NG DIYOSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mapalad akong mahagkan ang kanyang paa
nang minsang madupilas siya sa kalsada
at doon sa putikan, lumubog ang paa
ng magandang dalagang aking sinasamba
at itinuturing ko ngang aking diyosa

nahagkan ko ang mababango niyang paa
mula sakong, binti, tuhod, aking nakita
putik akong humalik sa paa ng reyna
putik na sa panahong iyon ay kaysaya
sapagkat nasa talampakan ng diyosa

di naman napilayan o nasaktan siya
pagkat banayad ang pagkadupilas niya
dahan-dahan niyang pinunasan ang paa
at hinugasan pa ito sa katabing sapa
mapalad akong inapakan ng diyosa

bagamat ako'y putik para sa kanila
na pinandidirihan ng maraming masa
kaysayang nahagkan ko rin yaong dalaga
kahit di kabuuan, kahit man lang paa
ako'y putik sa talampakan ng diyosa

Ang Pag-ibig ay Tulad ng Tubig

ANG PAG-IBIG AY TULAD NG TUBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

"Love cannot be held prisoner because it is a river and will overflow its banks. " - Paulo Coelho

hindi natin mabibilanggo itong pag-ibig
maaring pasumandali lang sa ating bisig
ngunit di ito pirmis, pagkat tulad ng tubig
ito'y huhulagpos din sa iba't ibang panig

oo, ganyan, ganyan nga ang tunay na pag-ibig
ito'y malaya tulad ng pag-agos ng tubig
kung saan-saan dumadaloy at sumasandig
sa puso'y bumubulong, nais kang makaniig

sinong makakapagpiit sa ating pag-ibig
sa magkasuyo ang ganito'y nakayayanig
kaya magtatangka nito'y tiyak mauusig
pagkat tunay na pag-ibig ay di palulupig

halina't pakinggan mo ang malamyos na tinig
ng bulong ng pagsinta't kayganda nitong himig
hindi natin dapat ibilanggo ang pag-ibig
pagkat ito'y huhulagpos din tulad ng tubig

Tuloy pa ang laban, Ms. M.

TULOY PA ANG LABAN, MS. M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

wala tayong iwanan sa dilim
ng bulok na sistemang kaylagim
tuloy pa ang ating laban, Ms. M.
kaya huwag ka sanang manindim
sistema ma'y karima-rimarim

pareho tayong naninindigan
kaya Ms. M., tuloy pa ang laban
na ipalaganap ng tuluyan
itong sosyalistang kaisipan
sa laban ba ikaw'y mang-iiwan?

huwag pansinin ang naninira
matatag ka, dumaan ma'y sigwa
huwag naising ikaw'y mawala
sa tunggalian ng manggagawa
at ng kapitalistang kuhila

huwag pansinin ang nanlalait
pagkat sila'y parang batang paslit
paniwala mo'y iyong igiit
at di kita iiwan sa gipit
buhay ko man ang maging kapalit

tuloy ang laban, Ms. M., tuloy pa
organisahin natin ang masa
alam ko, Ms. M., na matatag ka
anumang problema'y iyong kaya
tandaang ako'y iyong kasama

kung may problema, narito ako
at iba pang mga kasama mo
di ka iiwan sa labang ito
tandaang katapatan ko sa 'yo
ay di magmamaliw, kasama ko

Ang Gintong Likido

ANG GINTONG LIKIDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

gintong likido ang madalas tagayin
ng makatang itong kayhilig tumungga
isip lumilipad at tangay ng hangin
kaya ang makata'y madalas tulala

hik! tagay pa tayo, aking mga kabig
ito lamang nama'y munting pagsasaya
ang gintong likido'y dadamhin ng bibig
kaysarap nga nitong tungga kong serbesa

pag nasasayaran ang lalamunan ko
pawang kasiyahan ang inihahandog
kaysarap tunggain ng gintong likido
serbesang kaysarap kaysa puting bilog

ang gintong likido'y tinatagay natin
ngunit nilalabas gintong likido rin

Naghahanap ng Damay

NAGHAHANAP NG DAMAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

isang maton, naghahanap ng damay
at isang tabak ang nais iunday
tila ang hangad niya'y makapatay
iba'y ibig niyang dalhin sa hukay

kaytapang niyang problema'y di kaya
tingin sa sarili'y wala nang kwenta
lalo't ang problema'y di maresolba
kaya hanap na lang ng damay siya

ang ibang tao'y kanyang hinahamon
siya na kaylaking katawang maton
kung problema niya'y walang malamon
bakit karahasan ang kanyang tugon

mga tulad nila'y dapat tulungan
turnilyo sa utak nila'y higpitan
bago pa iba'y mapagdiskitahan
kausapin na't pagpaliwanagan

di dahas yaong sa problema'y tugon
kung problema niya'y walang malamon
ang tingin kong marapat na solusyon:
pagtrabahuhin ang kawawang maton!