Biyernes, Hulyo 3, 2020

Paghawan sa kadawagan

balak kong hawanin ang munting gubat na madawag
upang pagtayuan ng dampa't pahingahang papag
magtatanim ng gulay doon, kamatis, tabayag,
munggo, papaya, kalabasa't lalagyan ng balag

sayang naman kung walang mag-aasikaso niyon
habang nasa bundok, nais kong mamalagi roon
maganda pang pahingahang di basta matutunton
baka balang araw, magiging kuta ko rin iyon

nais kong magsulat sa munting pahingahang gubat
mga dyaryo't magasin ay doon ko mabubuklat
doon din babasahin ang ilang nabiling aklat
at doon din papaghilumin ang bawat kong sugat

"sa madilim, gubat na mapanglaw," ani Balagtas
tila ba kasingpanglaw ko ang parating na bukas
nakakaburyong ang kwarantina, di pa rin ligtas
mabuti pa yatang sa gubat na iyon mautas

- gregbituinjr.

Sana'y naging frontliner na sa unang buwan pa lang

wala na akong naitutulong, pabigat na lang
ito'y nadarama sa bawat araw na magdaan
walang perang maiambag, gawaing bahay lamang
pambayad ng kuryente't tubig ay kukunin saan

di makaisip ng diskarte ang utak-bagoong
ibebenta ba ang puri lalo't hilong talilong
kakalabitin ba ang gatilyo sa ulong buryong
ayoko namang sa droga't mga bisyo'y malulong

katawan ay nakakulong, diwa'y lilipad-lipad
sa kwarantinang ito'y paano makakausad
pangyayari'y anong bilis, diskarte'y anong kupad
sariling ekonomya'y patuloy na sumasadsad

sana'y naging frontliner na sa unang buwan pa lang
nang buhay na ito'y maging kapaki-pakinabang
buhay sana'y may esensya't substansya, di mahibang,
di tulad ngayong walang kita't pabigat na lamang

- gregbituinjr.

Pangunguha ng panggatong

mag-isa akong nanguha ng panggatong sa gubat
nang magamit sa pagluluto kung gasul na'y salat
animo'y puno ng elena ang kahoy sa bigat
sinibak ang mahahaba ng buong pag-iingat

pagsisibak ng kahoy ang nakita kong gagawin
nang hinawan ang gilid ng natatabingang saging
kung hahawanin ang gubat sa dawag nitong angkin
lalagyan ko ng dampa't paligid ay tatamnan din

habang nasa lockdown, may bagong mapaglilibangan
maghahawan at tatamnan ang munting kagubatan
isa pa itong hakbang para sa kinabukasan
at magsusulat sa gagawing dampang pahingahan

magsibak at magtanim sa panahong kwarantina
habang binabasa ang kaunting aklat na dala
tila paraisong malayo sa mga problema
na animo ako'y matagal nang namamahinga

- gregbituinjr.



Pagtatanim ng alugbati

sa munting plastik na basong itinapon na lamang
ay napiling iyon ang sa alugbati'y pagtamnan
upang basong plastik ay di maging basura't sayang
pag alugbati'y lumago, may pang-ulam na naman

sarili'y abalahin upang buryong ay maparam
upang sa lockdown na ito'y di laging nagdaramdam
kahit sa pagtatanim, dapat mayroon kang alam
magsisipag pa rin, inspirasyon ang mga langgam

ilaga mo ang alugbati't ito'y pampalusog
gagaan ang pakiramdam ng katawang nabugbog
dahil sa trabaho't alalahaning makadurog
ng puso't ng kalamnang tila nagkalasug-lasog

lalago ring magaganda ang mga alugbati
ilaga ito't pampatibay ng tuhod at binti
kaya sasalubungin tayo ng magandang ngiti
pag alugbati'y nagsirami, maligayang bati

- gregbituinjr.