Martes, Abril 8, 2025

Matapos ang ikalawang operasyon

MATAPOS ANG IKALAWANG OPERASYON 

nakita ko si misis sa operating room
bago lumabas upang madala sa kwarto
matapos gawin ang dalawang operasyon
habang si misis ay naroong nakatubo

mga doktor at nars inihatid na siya
upang doon ay pangalagaang totoo
paglabas sa O.R., sinabayan ko sila
habang may luhang nangingilid sa pisngi ko

una ay sa ulo siya inoperahan
nang dahil sa pamamaga ng kanyang utak 
ikalawa'y tinanggal ang abscess sa tiyan
o malaking nana sa tiyan nagsitambak

unang operasyon, higit dalawang oras
ikalawa nama'y tatlong oras mahigit
matagal-tagal din bago pa makalabas
mahalaga'y lampasan ang buhay sa bingit

matagal pa ang laban ni misis, matagal
ngunit laban niya sana'y kanyang kayanin
ako'y naritong patuloy na nagmamahal
mabuhay lang siya, lahat aking gagawin

- gregoriovbituinjr.
04.08.2025

* naisulat bandang alauna y media ng hapon sa NeuroCritical Care Unit (NCCU), Abril 8, 2025

Tagumpay ang unang operasyon

TAGUMPAY ANG UNANG OPERASYON

nasa kantin ako ng ospital
nag-aabang doon ng balita
nang biglang tumunog itong selpon
ako'y pinababa na ng doktor

at nagtungo sa operating room
tapos na ang unang operasyon
matagumpay daw ang pagtitistis
ng mga doktor sa aking misis

subalit may kasunod pa iyon
sa tiyan pangalwang operasyon
ikalawa rin sana'y tagumpay 
ang pagtistis sa sinta kong tunay

nasa ospital pa akong sadya
muli'y nag-aabang ng balita

- gregoriovbituinjr.
04.08.2025

* naisulat bandang ikasampu't kalahati ng umaga sa kantina ng ospital, Abril 8, 2025
* decompressive hemicraniectomy ang tawag sa unang operasyong ginawa kay misis

Pag-shave ng buhok

PAG-SHAVE NG BUHOK

nagpaalam ang doktor sa akin kanina
ang buhok ni misis ay ise-shave raw nila
kalahati lamang ba o buong buhok na
dahil nga sa ulo sila mag-oopera

nang sinabing buong buhok, tumango ako
upang sabay pang tumubo ang mga ito
kailangan sa pag-oopera sa ulo
pag natapos, wala nang buhok si misis ko

mahalaga'y magtagumpay ang operasyon
saka ko iisipin ang gastusin doon
upang di ma-redtag sa ospital na iyon
na babayaran ay tiyak abot ng milyon

nawa'y tagumpay ang pag-opera kay misis
ang luha ko man sa pisngi'y dumadalisdis

- gregoriovbituinjr.
04.08.2025

* sinulat bandang ikaanim at kalahati ng umaga nang dinala na sa operating room si misis, Abril 8, 2025

Di pangkaraniwang araw

DI PANGKARANIWANG ARAW 

di pangkaraniwang araw ito
para sa akin, Abril a-otso
ngayon ang operasyon ni misis
sana'y tagumpay siyang matistis

ramdam ko ang kaba't pangangatal
parang may nakatarak na punyal
sa aking dibdib, na sumusugat
na tila baga di naaampat

animo'y nakaabang sa hangin
pagala-gala ang saloobin 
sana'y ligtas akong makauwi
sa kabila ng maraming hikbi

nawa'y tagumpay ang operasyon
iyan ang asam ko't nilalayon
nais kong si misis pa'y mabuhay
at magsama kami habang buhay

- gregoriovbituinjr.
04.08.2025

* sinulat bandang ikalima't kalahati ng umaga sa ospital, Abril 8, 2025