PATULA NG PANDAIGDIGANG
PAHAYAG NG KARAPATANG PANTAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig
PAMBUNGAD
Sa ikasampu ng Disyembre ng taon
Labingsiyam, apatnapu't walo noon
Nang yaong pangkalahatang asambliya
Ng Nagkakaisang Bansa'y magkaisa
Nang pinagtibay nila't ipinahayag
Ang inakdang Pandaigdigang Pahayag
Ng Karapatang Pantao sa daigdig
Upang tao'y di basta-basta malupig.
Kasunod ng makasaysayang pahayag
Sa mga kasaping bansa'y tumatawag
Na ilathala ang nilalaman nito
At mapabasa sa mas maraming tao
Makita, maipaliwanag din naman
Sa eskwelahan at iba pang aralan
Nang walang distingsyon batay sa estado
Pulitikal ng bansa o teritoryo.
Mga kababayan, halina't tunghayan
Ang pagkakasalin ko't ang panulaan
Hinggil sa Pandaigdigang Karapatan
Ng bawat tao sa alinmang lipunan.
PREAMBULO
Yayamang pagkilala sa karangalan
Pantay, di maikait na karapatan
Ng lahat ng pamilya ng tao't bayan
Ang siyang saligan nitong kalayaan
Sa pagkamit ng lahat ng katarungan
At sa kaganapan sa sandaigdigan.
Yayamang yaong pagwawalang-bahala
Pag-aalipusta't pagbabalewala
Sa karapatang pantao'y nagbunga man
Ng gawang malupit na lumapastangan
Sa budhi ng bayan at sangkatauhan
At ang pagtatamasa ng kalayaan
Sa pagpahayag at paniwala nila
At kalayaan din mula sa pangamba
At pagnanasa ay ipinahayag na
Bilang matayog na hangarin ng masa.
Yayamang kung wala nang pagpipilian
At kailangan bilang huling takbuhan
Ang maghimagsik laban sa pang-aapi
Kaysa naman magsisi sa bandang huli
Upang tuluyan nang maipagsanggalang
Ang ating angking pantaong karapatan.
Yayamang dapat at kinakailangang
Itaguyod ang pagsulong ng ugnayang
Pakikipagkaibigan sa pagitan
Ng iba't ibang bansa't ng mamamayan.
Yayamang mamamayan ng bawat bansa
Ay nagkasundo't may pagsampalataya
Sa pangunahing karapatang pantao
Sa dangal at halaga ng bawat tao
At sa pagkakapantay ng karapatan
Ng kalalakihan at kababaihan
Nagpasyang itaguyod ang panlipunang
Pag-unlad at mas magandang pamantayan
Ng buhay sa mundong sadyang mas malaya
Sa lahat ng tao sa lahat ng bansa.
Mga kasaping Estado'y namanata
Na tutulong sa Nagkakaisang Bansa
Itaguyod ang daigdigang paggalang,
Karapatan, at batayang kalayaan.
Yayamang itong pagkakaunawaan
Ng lahat ng karapatan, kalayaan
Ay may napakalaking kahalagahan
Upang panata'y maisakatuparan
At itong Pangkalahatang Kapulungan
Ay nagpapahayag ng Pandaigdigang
Pahayag nitong Pantaong Karapatan
Bilang isa nang ganap na pamantayan
Ng lahat na ng kahanga-hangang bagay
Para sa tao't bayang nagkakaugnay
Na sa huli, ang bawat tao't lipunan
Na pinananatili sa kaisipan
Ang Pahayag na ito ay magsumikap
Sa pagtuturo't pag-aaral ng ganap
Upang itaguyod itong karapatan
Pati kalayaan sa pamamagitan
Ng maunlad na hakbang, sa pambansa man
Maging ito rin nama'y pandaigdigan
At kilalanin ng kasaping Estado
At ng tao sa kanilang teritoryo
Itong lahat ng karapatang pantao
Na dapat tamasahin ng buong mundo.
ARTIKULO 1
Lahat ng tao'y malayang isinilang
Na may pantay na dangal at karapatan
Pinagkalooban ng budhi't katwiran
Nang makitungo sa diwang kapatiran
ARTIKULO 2
Lahat ng angkop sa Pahayag na ito
Ng walang kaibhan sa anumang tipo
Lahi, kasarian, relihiyon, wika
Kulay ng balat o ibang pang-unawa
Pambansa o panlipunang pinagmulan
Pag-aari o anumang kalagayan
Walang pagkakaibang dapat malikha
Sa pulitikal, kalagayan ng bansa
O sa kinabibilangang teritoryo
O ng anumang pagtatakda ng tao.
ARTIKULO 3
Ang lahat ng tao ay may karapatan
Sa buhay, kalayaan at kaligtasan.
ARTIKULO 4
Walang sinumang dapat ipailalim
Sa pambubusabos at pang-aalipin
Ang pang-aalipin at pangangalakal
Ng alipin ay dapat nang ipagbawal
Sa lahat ng anupamang anyo nito
Pagkat sila'y mga kapwa natin tao
ARTIKULO 5
Sinuma'y di dapat dumanas ng hirap
O ng kalupitang di katanggap-tanggap
O ng anupamang mapang-aping trato
At pagpaparusang hindi makatao.
ARTIKULO 6
Sa harap ng batas ay dapat kilanlin
Lahat bilang tao saanman nanggaling.
ARTIKULO 7
Ang lahat ay pantay sa harap ng batas
Merong karapatan at lahat ay patas
Ng walang anupamang diskriminasyon
At sa batas ay may pantay na proteksyon.
ARTIKULO 8
Karapat-dapat na pambansang hukuman
Ay dapat tumulong sa pangkabuuan
Sa batayang karapatang ibinigay
Ng konstitusyon o ng batas na taglay
Laban sa mga kilos na lumalabag
Sa mga karapatang di dapat hungkag
ARTIKULO 9
Di dapat pailalim ang sinupaman
Sa mga pagdakip na di makatwiran
At sa pagkakulong o pagkakapiit
Na sa makaranas ay sadyang masakit.
ARTIKULO 10
Ang lahat ay may karapatang madinig
Ang kanyang sasabihin at kanyang panig
At matalakay anumang kanyang tindig
Sa isang patas at hayagang pagdinig
Nitong isang independyenteng hukuman
Na tinitingnang walang kinikilingan
Sa pagpapasya sa mga karapatan
At tungkuling sa balikat pinapasan
Ng taumbayan o kaya'y ng sinumang
May kasong kriminal na sa kanya'y laban.
ARTIKULO 11
Dapat ituring na walang kasalanan
Ang maysala umano at kinasuhan
Hanggang ang sala niya’y mapatunayan
Sa batas at paglilitis na hayagan
Kung saan ang kailangang garantiya
Ay nasa kanya na para sa depensa.
Walang sinuman yaong may kasalanan
Sa pagkakasalang mapaparusahan
Kung ang pagkakasala nila’y nagawa
Noong ang batas para doon ay wala
O ipatupad parusang mas matindi
Kaysa nang magawa ang salang nasabi.
ARTIKULO 12
Di dapat ipailalim ang sinuman
Sa hindi makatwirang pakikialam
Sa kanyang pribadong buhay, sa tahanan
Sa pamilya, sa pakikipaglihaman
Maging sa pagbatikos sa karangalan
Lalo na sa iniingatang pangalan.
Sa proteksyon ng batas, may karapatan
Lahat laban sa mga pakikialam.
ARTIKULO 13
Ang sinumang tao ay may karapatan
Anumang bansa ang kinaroroonan
Sa malayang pagkilos at pananahan
Sa loob ng hangganan ng bawat bayan.
Maging sa paglisan sa anumang bansa
Umalis, bumalik sa sariling bansa.
ARTIKULO 14
Ang lahat din naman ay may karapatan
Maghanap, magtamasa sa ibang bayan
At sa iba pang bahagi ng daigdig
Na magpaampon mula sa pag-uusig.
Ngunit di maipapakiusap ito
Kung ang pag-uusig ay hinggil sa kaso
Ng mga krimeng di-pulitikal mula
O sa mga gawaing salungat kaya
Sa marangal na simulaing dakila
At hangarin ng Nagkakaisang Bansa.
ARTIKULO 15
Ang nasyonalidad din ay karapatan
Ng sinumang tao sa lahat ng bayan
At walang sinumang di makatarungang
Kanyang nasyonalidad ay tatanggalan
O kaya'y pagkaitan ng karapatang
Nasyonalidad niya'y kanyang palitan.
ARTIKULO 16
Lalaki't babaeng may sapat na gulang
Ang kaibhan man nila'y di dapat hadlang
Ay may karapatang makapag-asawa
At magkaroon ng sariling pamilya
Naaangkop sa pantay na karapatan
Ang kanilang mga pag-aasawahan
Habang sila'y may relasyong mag-asawa
O kaya'y hanggang paghihiwalay nila.
Dapat lang pasukin ang pag-aasawa
Kung may malaya't ganap na pagpapasya
At pagsang-ayon ng mapapangasawa
Sa pagsasama't pagbuo ng pamilya.
Likas at batayang pangkat ng lipunan
Ang pamilya kaya dapat protektahan.
ARTIKULO 17
May karapatang mag-ari ang sinuman
Para sa sarili't kasama'y iba man.
Walang sinuman ang di-makatarungang
Aalisan ng kanyang ari-arian.
ARTIKULO 18
May karapatan lahat sa kalayaang
Mag-isip, sa budhi, o relihiyon man
Kahit sa pagpapalit ng relihiyon
O anumang paniwala niya't layon
Kalayaang ito'y maging sarili lang
Maging pampubliko o pampribado man
Relihiyon ay malayang ipahayag
Sa turo, buhay, pagsamba't pagdiriwang.
ARTIKULO 19
Malayang pananaw at pagpapahayag
Ay karapatan ng bawat mamamayan
Kasama anumang pananaw na tangan
Ng walang sinuman ang nakikialam
Maghanap, tumanggap at magbahagi man
Ng mga impormasyon at kaisipan
Sa anumang media, at wala rin namang
Mga hangganang isasaalang-alang.
ARTIKULO 20
May karapatan lahat sa kalayaan
Sa mapayapang asambliya't samahan
Di nararapat pilitin ang sinuman
Na maging kasapi ng isang samahan.
ARTIKULO 21
May karapatan lahat maging bahagi
Sa pamahalaan, direkta ma't hindi
Sa kaparaanang malayang pagpili
Ng kinatawan, anupaman ang lahi.
Lahat sa kanyang bansa'y may karapatan
Pampublikong serbisyo'y pantay na kamtan
Kalooban ng tao'y dapat batayan
Ng kapangyarihan ng pamahalaan
Na dapat maipahayag ng tuluyan
Sa pana-panahon, tunay na halalan
Na sa pamamagitan ng daigdigan
Pantay na karapatang maghalal naman
Sa kaparaanang lihim na pagboto
O sa kaparehong patakaran nito.
ARTIKULO 22
Dapat na may seguridad panlipunan
Na naaangkop na isakatuparan
Sa pamamagitan ng pag-uugnayan
Pambansa man ito o pandaigdigan
Ayon sa organisasyon at rekurso
Na siyang kaya nitong bawat Estado
Karapatan mang ito'y pang-ekonomya
Maging panlipunan man o pangkultura
Na kailangan sa dangal nitong tao
At sa pag-unlad ng kanyang pagkatao.
ARTIKULO 23
Sa trabaho, lahat ay may karapatan
Sa pagpili ng kanyang tatrabahuhan
Makatarungan, maiging kalagayan
Proteksyon kung sa trabaho'y may kawalan
Mga nagtatrabaho'y may karapatan
Sa makatarungan nilang kabayaran
Pantay na sweldo sa pantay na trabaho
At trabahong pantay sa dangal ng tao
Karapatan nilang magbuo ng unyon
Para ang interes nila'y may proteksyon.
ARTIKULO 24
Dapat may pahinga't oras na malaya
Makatwirang takda ng oras-paggawa
May karapatan din na pana-panahon
Ay magkaroon ng bayád na bakasyon.
ARTIKULO 25
May karapatan sa isang pamantayan
Ng pamumuhay na sagot sa sinuman
Para sa kalusugan at kagalingan
Ng isang tao't ng kanyang pamilya man
Kasama ang pagkain at pananamit
Paninirahan at di pagkakasakit
Kasama rin ang panlipunang serbisyo
Seguridad sa nawalan ng trabaho
Nagkasakit, nabalo't may kapansanan
Pagtanda't nagkulang sa pangkabuhayan
Pagkat ito'y pawang mga kalagayang
Di nila hawak, di nila mapigilan.
Karapatan ng mga ina at bata
Ang di-pangkaraniwang pangangalaga
Lahat ng bata'y dapat nang matamasa
Nararapat na proteksyon sa kanila
Mga batang iyon man ay iniluwal
Sa loob at maging sa labas ng kasal.
ARTIKULO 26
Edukasyon ay karapatan ng lahat
At nararapat na ito'y walang bayad
Kahit man lang ito'y sa elementarya
At maging sa pangunahing antas nila
Elementarya'y dapat kunin ng lahat
Ito'y edukasyong dapat prayoridad
Edukasyong teknikal at propesyunal
Ay dapat kunin ng mga nag-aaral
Maging ng sinuman sa pangkalahatan
Edukasyo'y dapat pantay na makamtan
Ang edukasyon ay dapat umaakay
Sa ganap na pag-unlad ng pagkamalay
At sa pagpapatibay din ng paggalang
Sa karapata't batayang kalayaan.
Itaguyod ang pagkakaunawaan
Pagpapaubaya, pagkakaibigan
Anupaman ang kanilang pinagmulan
Upang manatili ang kapayapaan.
Ang magulang ang may karapatang una
Sa edukasyong nais sa anak nila.
ARTIKULO 27
Ang buhay pangkultura sa pamayanan
Ay malayang lahukan ng taumbayan
Mga sining ay matamasang tuluyan
Maging bahagi ng pagsulong ng agham
May proteksyon din sa kapakanang moral
Pati na sa pakinabang na materyal.
Na ibinunga'y anumang kanyang akda
Sa agham, sining o panitikang likha.
ARTIKULO 28
Tao'y may karapatan sa panlipunan
Maging sa pandaigdigang kaayusan
Na mga karapatan at kalayaang
Nasaad dito'y naisakatuparan.
ARTIKULO 29
Lahat ay may tungkulin sa pamayanan
Na pag-unlad ng tao'y may kaganapan
Anumang karapatan at kalayaan
Ay may limitasyong sumasakop naman
Nang matiyak ang kaukulang paggalang
At pagkilala sa mga karapatan.
At kalayaan ng iba hanggang kamtan
Ang nararapat na pangangailangan
Sa moral at pampublikong kaayusan
At pati pangkalahatang kagalingan.
Kung salungat sa layunin at prinsipyo
Ng Nagkakaisang Bansa ang gawa nyo
Di dapat gamitin, nasasaad dito
Na karapatan at kalayaang ito.
ARTIKULO 30
Walang anumang sa Pahayag na ito
Dapat magkaroon ng kaibang kuro
O pahiwatig sa anumang Estado
Pati anumang mga pangkat o tao
Ng anumang karapatang magsagawa
Ng anumang pagkilos na maggigiba
Sa karapata't kalayaang narito
At nakaukit sa Pahayag na ito.