Linggo, Mayo 3, 2020

Planong pinulbos na karot

maraming karot ang sa frontliners ay ibinigay
na iniuwi naman nila sa kanilang bahay
mga magsasaka'y sa frontliners ito inalay
pagkat sa mga pamiliha'y di pasadong tunay

dahil dito'y wala nang magawa ang magsasaka
kaysa raw mabulok lang ay mapakinabangan pa
ibinigay sa frontliners ang mga di nabenta
gayunman, salamat kahit wala na silang kita

bagong ani ang karot na di niya pinagdamot
may maliliit at may mga malalaking karot
si misis sa kaanak na frontliner nakihakot
upang di agad mabulok, si misis ay may sagot

ipreserba ang karot at gawing pulbos, durugin
kaya agad kong sinimulan ang kanyang mithiin
sampung malalaki'y tinalupan ko't gagadgarin
gamit ang panggadgad, ito'y aking paliliitin

pag maliliit na, sa araw ay agad ibilad
mungkahi kay misis ng amiga niyang mapalad
at talagang sinipagan ko naman ang paggadgad
dikdikin hanggang maging pulbos, ibenta't umunlad

panghalo raw sa niluluto ang karot na pulbos
pampalakas raw upang hininga'y di kinakapos
nais kong makarami kaya agad kong tinapos
pulbos na karot pag nabenta'y mayroong panggastos

- gregbituinjr.
05.03.2020 (World Press Freedom Day)

Tula sa World Press Freedom Day

World Press Freedom Day, araw ng malayang pagpahayag
Oo, araw din ito ng mga mamamahayag
Rinig mo ba kung kalayaang ito'y nilalabag?
Lalo't ginigipit ang mga tinig na matatag.

Damhin mo't suriin ang ating abang kalagayan
Paano lulunasan ang suliranin ng bayan
Ramdam mo ba ang problema't daing ng mamamayan?
E, kung karapatan na natin ang sinagasaan?

Sa aming nayon ay may kalayaang magsalita
Sa inyong lungsod, bakit bingi ang namamahala?
Freedom of the press, na panlaban natin sa kuhila
Rinig ko'y armas din ito ng inaaping dukha

Espesyal na araw na di lang para sa masmidya
E, kung gayon, para rin ito sa obrero't masa
Diktadura'y naibabagsak kahit ang mapera
Oo, ito'y armas laban sa mapagsamantala

May World Press Freedom Day na dapat nating gunitain
Dahil sinikil noon ng diktadura't salarin
Atin ding pagpugayan ang mga bayani natin
Yamang ito'y pinaglaban nila para sa atin.

- gregbituinjr.
05.03.2020

Hindi ako tambay

Hindi ako naging tambay na walang ginagawa
Isang araw laging may isa o higit pang tula
Nagsusulat din ng sanaysay, kwento't ibang akda
Diyata't ito ba'y tambay kahit nakatunganga?

Iniisip ang paksa, nakatunganga sa langit
At mamaya lang, diwa'y kayrami nang naiguhit
Kathang samutsari mula suri't danas na bitbit
Obra maestrang sana'y may gantimpalang makamit

Tambay ay tagay ang madalas na inaatupag
Anak ay pababayaang pang umiyak magdamag
Maghapong nasa inuman, asawa'y binababag
Bakit nais pa niyang tumambay, ayaw magsipag?

Ako'y di naging tambay, sa langit tumunganga man
Yamang inaakda'y pamana sa kinabukasan.

- gregbituinjr.
05.03.2020
(uri ng tula: soneto at akrostika)

Pag nawalan ka na ng prinsipyo

pag nawalan ka na ng prinsipyo, di ka na tao
ang sarili mo'y ikinumpara mo na sa aso
bahag ang buntot at laging nakasuso sa amo
na tulad din ng mapagsamantalang tuso't trapo
nakahimod lagi sa tumbong ng kapitalismo

- gregbituinjr.