Biyernes, Oktubre 31, 2014

Climate Walk 2014

CLIMATE WALK 2014
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I

Climate Walk 2014
anang bise-alkaldeng
si Diego Rivera 
anong sarap pakinggan 
sadyang di matatapos 
ang paglalakad
hangga't dapat ihiyaw:
"Climate Justice Now!"
magpatuloy tayo 
sa susunod na taon 
at susunod pang mga taon
hanggang kamtin 
ang hustisyang pangklima 
at panibagong pag-asa
Climate Walk 2015
ay paghandaan na!

II

Climate Walk ay adhikang sa kalikasan ay taos
ito'y seryosong simulaing di pa matatapos
pagkat kaytindi pa ng nagbabagong klima't unos
kailangang magpatuloy upang ating malubos 
ang Climate Justice na panawagang di malalaos

- sa ikalawang palapag ng Bulwagang Lungsod ng Calbayog, Oktubre 31, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Sa mga guro't estudyanteng mainit na sumalubong sa Climate Walk

SA MGA GURO'T ESTUDYANTENG MAINIT NA SUMALUBONG SA CLIMATE WALK 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mainit na pagtanggap ninyo'y aming nasaksihan
lumabas ng paaralan, humilera sa daan 
ang iba'y may saliw pang tambol at nagtutugtugan
kaygandang ngiti ng mga bata't naghihiyawan
"Welcome, Climate Walkers!" ang sigaw, kaysarap pakinggan 
may mga bond paper at kartolinang sinulatan
"Climate Justice Now!", "Welcome, Climate Walk!", mga islogan
ipinakita'y tunay na kaygandang kaasalan
sa mga bata'y tinuturo ang kahalagahan
ng maayos na kapaligiran at kalikasan
bata pa'y binuksan na ang kanilang kaisipan
na nagbabagong klima'y di natin maiiwasan
di dapat tapunan ng basura ang karagatan
tubig at hanging malinis ay ating kailangan
na kung kikilos lang ang lahat, pati kabataan
at nagkaisa sa paghahanap ng kalutasan
ang daigdig nati'y magiging magandang tahanan
ngunit di kabataan lang ang pag-asa ng bayan
problema'y di dapat ipasa lang sa kabataan
pati guro'y kumilos, lalo na ang taumbayan
guro't estudyante'y aming pinasasamatan
ang inyong pagtanggap ay di namin malilimutan

- Diocesan Pastoral Center, Lungsod ng Calbayog, Oktubre 31, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Pagsusunog ng bandila sa lungsod ng Calbayog

PAGSUSUNOG NG BANDILA SA LUNGSOD NG CALBAYOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bago makapulong ang alkalde ng lungsod
aming nasaksihan ang ritwal ng pagsunog
ng mga lumang bandilang tila naupos
ng kalumaan, tila bayaning nalugmok

dama mo, animo'y kawal kang namatayan
lumang bandila'y kay-ingat pinagpugayan
nagmartsa, sumaludo yaong kapulisan
hanggang watawat ay sinunog nang tuluyan

maingat na inilagay lahat ng abo
sa isang palayok, may bulaklak pa ito
kapara nito'y kremasyon ng isang tao
na sa huling sandali'y binigyang respeto

simbolo ng isang bansa yaong bandila
na habang buháy pa'y dapat kinakalinga
tatak ng pagkamamamayan, pagkabansa
sa mga kuhila'y ipaglalabang kusa

- sa harap ng Bulwagang Lungsod ng Calbayog
(Calbayog City Hall), Oktubre 31, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.