Huwebes, Disyembre 18, 2025

Naglalakad pa rin sa kawalan

NAGLALAKAD PA RIN SA KAWALAN

nakatitig lamang ako sa kalangitan
tilà tulalâ pa rin doon sa lansangan
parang si Samwel Bilibit, lakad ng lakad
sa pagkawalâ ni misis, di makausad

lalo na't magpa-Pasko't magba-Bagong Taon
wala pa ring malaking isdang nakukulong
aba'y baka walâ pang limang daang piso
ang aking Noche Buena pagkat nagsosolo

isang kilong bigas, limampung pisong tuyô
malunggay, bawang, sibuyas, kamatis, toyò
walang ham, isang Red Horse, at matutulog na
iyan ang plano ng makatang nag-iisa

lakad ng lakad, nag-eehersisyo man din
pag-uwi ng bahay, hihiga na't hihimbing

- gregoriovbituinjr.
12.18.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/17zo5Ba6Rw/ 

Mabuhay ka, Islay Erika Bomogao!

MABUHAY KA, ISLAY ERIKA BOMOGAO!

tinalo mo ang Thai sa isports na Muay Thai
iba ka talaga pagkat napakahusay
mabuhay ka sa iyong nakamit na gintô
na sa batà mong edad ay di ka nabigô

kababayan mo si misis na Igorota
bagamat walâ na siya'y naaalala
pag may taga-Cordillera na nagwawagi
sa anumang larangan, di basta nagapi

mula ka sa lahi ng mga mandirigmâ
di kayo nasakop ng buhong na Kastilà
mula sa lahing matatapang, magigiting
sa martial arts, ipinakita mo ang galing

isang puntos lang ang lamang mo sa kalaban
sa larang na bansâ nila ang pinagmulan
mabuhay ka, O, Islay Erika Bomogao!
talà kang sadyang sa daigdig ay lumitaw!

- gregoriovbituinjr.
12.18.2025

* mula sa pahayagang Abante Tonite, Disyembre 18, 2025, p.8