Miyerkules, Disyembre 27, 2017

Pangarap kong maglayag ng isang taon sa laot

PANGARAP KONG MAGLAYAG NG ISANG TAON SA LAOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Pangarap kong maglayag ng isang taon sa laot
Doon lilikhain ang paraisong walang takot
Marahil doon makikita ang hanap na sagot
Habang nagmumuni ng walang balakid, bantulot.

Sa pagitan ni Taning at bughaw na karagatan
Pinagninilayan ang suliranin ng lipunan
Subalit di ko pa maarok ang kailaliman
Kaya aking tinutuos ng agham at sipnayan.

Hanap ng aking mata’y samutsaring konstelasyon
Ang sinturon ni Hudas ba'y nasaan naroroon
Gabay ang mga tala umaraw man o umambon
Habang kinakatha ang ibig sa paglilimayon.

Maglalayag akong sinisinta ang nasa diwa
Sisisirin ang inaasam na perlas na mutya
Handog sa magandang dilag na may lakip na tula
Habang sa kawalan, abang lingkod ninyo'y tulala.