Martes, Hunyo 21, 2022

Soneto sa mulaga

SONETO SA MULAGA 

ang problema raw nila sa akin
kaya di raw nila pinapansin
napakatahimik ng butiki
sa kisame nakatitig lagi
na di raw kasi mapagsabihan
pulos kuwan ang nasa isipan
bodily-present, mukhang bulutong
absent-minded na pulos kurikong
sakit na ang pagiging tulala
buti pang ulo'y lagyan ng tingga
dapat nang ayusin ang diskarte
kaysa gumagala sa kisame
baka biglang sa mukha lumagpak
at sila'y biglang magsihalakhak

- gregoriovbituinjr.
06.21.2022

Pagtipa

PAGTIPA

nagtatayp ako sa Filipino
biglang iibahin nitong selpon
ang anumang isinusulat ko
kaya madalas ihagis iyon

dahil sa inis, nakakainis
sinulat ko'y biglang iibahin
ang Tagalog ko'y gagawing Ingles
nitong tinamaan ng magaling 

kinokorek ako't minamali
dugo ko'y nagtataasang kagyat;
mag-edit at huwag magmadali
ito ang naging gabay ko't sukat

si misis ang di napapakali
sino na naman ang inaaway;
buti't nandiyan siya sa tabi
baka selpon ay basag nang tunay

habaan ang pisi, kanyang payo
magpasensya sa bawat larangan
di ako dapat nasisiphayo
pagkat kaunting bagay lang iyan

- gregoriovbituinjr.
06.21.2022

Alapaap

ALAPAAP

madalas ay napapatingala
upang titigan ang alapaap
na ang hubog ay kaygandang sadya
nais tuloy marating ang ulap

baka naroroon ang diwata
magandang musang nasa hinagap
inaawitan ang mga tala
habang pipit ay sisiyap-siyap

sa toreng garing, makata'y wala
nasa putikang sisinghap-singhap
kasama ang dukha't manggagawa
lipunang makatao ang hanap

may tungkuling gagawin sa bansa
paano lalabanan ang korap
paano durugin ang kuhila
at pagkaisahin ang mahirap

narito akong nakatingala
habang kandila'y aandap-andap
gamugamo'y biglang nangawala
nasunog ang pakpak sa sang-iglap

- gregoriovbituinjr.
06.21.2022

Puna

PUNA

sementado na nga, papatungan pa ng aspalto
dahil ba katapusang buwan na nitong pangulo?
kaya kailangang gamitin ang natirang pondo
dahil pondong di ginamit, isasauli ito

kaya kahit sementado na ang nasabing daan
upang magamit ang pondo'y mag-aaspalto naman
imbes ibigay bilang ayuda sa mamamayan
gumawa ng proyektong di pa naman kailangan

anong epekto sa mamamayan ng ganyang gawa?
pag umulan, bumagyo o nanalanta ang sigwa
tataas ang kalsada't sa bahay na magbabaha!
di ba nila naisip ang kanilang malilikha?

sementado na, aaspaltaduhin pa, ay, astig!
aba, iyan ang pagtingin ko, ha, di nang-uusig
ay, huwag ka sanang masaktan sa iyong narinig
pondo ng bayan, gamiting tama, huwag manglupig!

- gregoriovbituinjr.
06.21.2022