Lunes, Setyembre 9, 2024

Pagpupugay kay Rubilen Amit, World 9-Ball Champion

PAGPUPUGAY KAY RUBILEN AMIT, WORLD 9-BALL CHAMPION

tila sinundan ang yapak ni Efren "Bata" Reyes
at naging World 9-Ball Champion din si Rubilen Amit
noon pa, sa kampyonatong ito'y nakipagtagis
labimpitong taon ang nagdaan bago nakamit

ilang beses na pala siyang sa pinal lumaban
laging ikalawa man sa kampyon, siya'y nagsikap
ang bawat niyang mga laro'y pinagbubutihan
hanggang makamit ang tagumpay na pinapangarap

noon, mga tumalo sa iyo'y mula sa Tsina
ngayon, mula sa Tsina ang tinalo mo talaga
kaya Rubilen Amit, pagpupugay, mabuhay ka!
magpatuloy ka sa laro, kami'y sumusuporta

noon ay world women's 10-ball title ang nakamit mo
ngayon ay world women's 9-ball ang nakamtang totoo
habang nag-World 10-ball champion din si Carlo Biado
kayo'y nagbigay ng karangalan sa bansang ito

- gregoriovbituinjr.
09.09.2024

* ulat at litrato mula sa pahayagang Tempo, Bulgar, at Pang-Masa, Setyembre 9, 2024

Paralegal at laban ng dukha

PARALEGAL AT LABAN NG DUKHA

oo, inaamin ko, di ako magaling
halimbawa, sa paralegal na usapin
kayraming batas at butas ang aaralin
mga pasikot-sikot nito'y aalamin

anong mga nanalo at natalong kaso?
laban ng dukha'y paano maipanalo?
sa pamamagitan lang ba ng dokumento?
at nakapanghihikayat na argumento?

kung mga dukha'y tinaboy ng demolisyon
dahil walang dokumentong kanila iyon
sa papel pa lang, talo na, paano ngayon?
hahayaang parang dagang mataboy doon?

pera pa ng burgesya kapag naglabasan
pulis at hukuman ay baka masuhulan
mga walang-wala'y paano pa lalaban?
kundi kapitbisig ang tanging kasagutan

dapat mga dukha'y organisahing lubos
turuan bakit sistema'y dapat makalos
bakit lipunang ito'y di kampi sa kapos
at bigyang aral sa kolektibong pagkilos

minsan, di makukuha sa usaping legal
ang panalo laban sa burgesyang animal
panalo ng Sitio Mendez ay isang aral
sama-samang pagkilos, pagbawi ng dangal

- gregoriovbituinjr.
09.09.2024