Sabado, Mayo 15, 2021

Pagtatanim sa paso

PAGTATANIM SA PASO

patuloy pa rin ang pagtatanim sa munting paso
ng mga gulayin bakasakaling mapalago
kaya laging dinidiligan ng buong pagsuyo
at alagaang mabuti upang di mangatuyo

nagtanim-tanim na rin sa panahong may pandemya
kahit nasa kalunsuran ay naging magsasaka
upang balang araw ay may mapipitas na bunga
may pang-ulam tulad ng alugbati, talong, okra

dapat lang talagang tayo'y magsipag at magsikap
upang magbunga ang ating mga pinapangarap
at maaalpasan din ang nararanasang hirap
pag nagbunga ang tinanim ay sadyang anong sarap

may makakain sakali mang nawalan ng sahod
sa mga community pantry'y di basta susugod
ipagmalaki mong naging magsasaka sa lungsod
kaya pagtatanim sa paso'y ating itaguyod

habang nagpapatuloy pa rin sa bawat adhika
upang makataong lipunan ay itayo ngang sadya
sama-samang pagkilos at nagkakaisang diwa
ng karaniwang tao, ng dukha, ng manggagawa

- gregoriovbituinjr.

Balintataw

gising pa rin ang diwa kahit sa madaling araw
kahit pinatay na ang ilaw at wala nang tanglaw
animo'y naglalakbay pa rin sa gitna ng araw
datapwat nasa karimlan, nanunuot ang ginaw

nakamulagat, di makapikit ang mga mata
pakamut-kamot, walang kumot, tila nangangamba
habang sumasayaw ang alitaptap na may dala
ng ilawan na sa gabi'y tila baga estrelya

sino ang bida sa munting nobelang kinakatha
anong prinsipyong taglay sa aba kong inaakda
walang superman o batman o kung sinumang mama
kundi ang bayani ay ang nagtutulungang madla

kontrabida'y ang sistema, ang masa ang bayani
kolektibong pagkakaisa ang namamayani
kalaban ng mga sakim at tusong nawiwili
sa kinagisnang pagsasamantala 't pang-aapi

walang iisang bayani kundi ang taumbayan
na sama-samang nagdadamayan, nagtutulungan
upang itayo ang isang makataong lipunan
kung saan wala nang magsasamantala sa tanan

- gregoriovbituinjr.

Ang buwan

ANG BUWAN

naroon ang buwan sa di pusikit na karimlan
animo'y nagbabalak hulugan ako ng sundang
habang naritong nakatitig pa rin sa kawalan

at ginagambala ng anumang namumutawi
sa labi ng diwatang lagi nang nananatili
sa pusong may adhikaing tunay na minimithi

tandang ang sikat ng buwan na ating naaninag
ay tanglaw sa bawat karimlang nakakabagabag
na sa bawat salimuot ay nagpapaliwanag

natutulog man ang mga paruparo't tutubi
naririyan pa rin ang mga ibong humuhuni
at nasa panagimpan ang tulang hinabi-habi

sinasaulo na ang mga taludtod at saknong
lalo't pluma'y nawalan ng tinta, bubulong-bulong
bakasakaling isulat ng nagdaraang pagong

nakatulala, makata'y naroroong tulala
nakakatula, makata'y naroong tumutula
sa ilalim ng buwan, patuloy na kumakatha

- gregoriovbituinjr.

Ang kanyang nakita

nakita ko raw ang hinaharap sa panagimpan
kung saan patungo sa buwan ang aking nasakyan
habang tanaw ang mga bituin sa kalawakan
tila umiindak, nagniningning, nagkikislapan

nakita kong ang tangi kong nobela'y nalathala
nobelang hinggil sa pagwawagi ng manggagawa
laban sa sistemang mapagsamantala sa madla
nakita kong kapwa ko'y nanindigan sa adhika

nakita kong ako'y kasamang sumisid sa laot
kailaliman na'y di malinis, nakakalungkot
plastik at upos na naglipana'y katakot-takot
dagat na'y naging basurahan, kahila-hilakbot 

nakita kong nagbubulag-bulagan ang may mata
nakita kong nabibingi-bingihan ang may tenga
walang pakialam kahit naaapi ang iba
di magsasalita basta't marami silang pera

nakita kong ako'y napunta doon sa kawalan  
habang aking mga tula'y binabasa ng tanan
di ko lubos maisip bakit sila'y tinitigan
gayong naroroon lang nakikinig ng mataman

marami akong nakita kahit mata ko'y wala
dahil pisikal na bulag mula pa pagkabata
subalit dama kong may buti sa puso ng madla
na siya nilang ginamit laban sa masasama

- gregoriovbituinjr.

Banta ng init

BANTA NG INIT

ingat po kayo, mga kapatid at kababayan
tiyaking may dala laging tubig sa kainitan
at kung maglalakad sa init ay magpayong naman
tiyaking alagaang lagi ang inyong katawan

init ng panahon ay nadarama nating sadya
na maaaring maging dahilan ng panghihina
may banta ng heat istrok, ayon sa mga balita
mataas na temperatura'y layuan mong kusa

huwag basta lumabas, baka kutis mo'y mangitim
lalo't tirik ang araw, baka madama'y panimdim
ah, mahirap maglakad ng walang punong malilim
lalo't nasa lungsod na init na ang nasisimsim

nilalagnat na ang mundo, kay-init ng panahon
nakakapangamba kung basta lang maglilimayon
pag-ingatan ang katawan at maging mahinahon
upang makapag-isip mabuti sa bawat hamon

- gregoriovbituinjr.

Pagtahak sa talampas at talibis

nakakasalubong kita sa panaginip
habang sa kalumbayan, ako'y iyong sinasagip
masaya man sa buhay, minsan ako'y naiinip
pagkat magandang diwata ang laging nasa isip

nilalakbay ko ang iba't ibang lugar sa mundo
nang di dahil sa pagsakay sa barko't eroplano
kundi sa pagbabasa lang ng samutsaring libro
na sa maraming dako nga'y inihahatid ako

naroroong susulatin ang bawat karanasan
habang sa dagat, basura't upos ay naglutangan
kapwa tao ba'y atin pa bang nauunawaan
bakit ba tahanang mundo'y ginagawang tapunan

sa aking paghimbing, nakikita ko ang diwata
kaysarap kasama habang sa ganda niya'y tulala
sa aking paggising, hinahanap-hanap ko ang mutya
tulad ng anghel na inaabangan kong bumaba

narito pa ring isang nobela ang binabalak
habang talampas at talibis yaong natatahak
ginagabi'y naglalakad pa rin sa isang lambak
nang bagong kabanata ng nobela'y pinanganak

- gregoriovbituinjr.