Martes, Agosto 12, 2014

Paalam, Robin Williams ng Dead Poets Society

PAALAM, ROBIN WILLIAMS NG DEAD POETS SOCIETY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

* John Keating: We don't read and write poetry because it's cute. We read and write poetry because we are members of the human race. And the human race is filled with passion. And medicine, law, business, engineering, these are noble pursuits and necessary to sustain life. But poetry, beauty, romance, love, these are what we stay alive for. To quote from Whitman, "O me! O life?" Answer. That you are here - that life exists, and identity; that the powerful play goes on and you may contribute a verse. What will your verse be?

*  Robin Williams (July 21, 1951 - August 11, 2014)

bilib ako sa iyo bilang gurong si John Keating
sa pelikulang Dead Poet Society ay kaygaling
sa iyong mga estudyante'y guro kang magiting
lalo't sa kanila'y iyong sinabing naglalambing:

"di tayo nagbabasa at lumilikha ng tula
dahil ito'y kayganda, ito'y ating ginagawa
dahil bahagi tayo ng sangkatauhan, madla
at nitong sangkatauhang punong-puno ng sigla"

"medisina, batas, negosyo't iba pang larangan
ay kailangan upang magpatuloy itong buhay
ngunit pagtula, pag-ibig, romansa't kagandahan
ang dahilan upang sumaya't sumigla ang buhay"

pati itong makatang Whitman pa'y iyong binanggit
"ako! ang buhay!" buhay na di dapat ipagkait
na narito ka, tayo, humihinga bawat saglit
"ako! ang buhay!" may kasagutan ang bawat bakit

sa biglaan mong pagyao, Robin Williams, paalam
ikaw si John Keating na sa puso'y di mapaparam
habang kaming narito pa'y patuloy sa pag-asam
na makatula pa rin sa gitna ng gunam-gunam