Huwebes, Hulyo 9, 2009

Ilang Laro sa Wika

ILANG LARO SA WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

may tinda ang mga tindero
may bomba ang mga bumbero

may babae ang babaero
may pasahe ang pasahero

may mata ba ang matadero
may asin ba ang asindero

may alak ba ang alahero
may tore ba itong torero

nasa kusina'y kusinero
nasa bodega'y bodigero

nasa biyahe'y biyahero
nasa lakwatsa'y lakwatsero

nasa hardin ang hardinero
nasa kabin ba'y karpintero

nambobola itong bolero
namboboso itong bosero

namimintas ang pintasero
kumakaskas ang kaskasero

naglalasing ang lasenggero
tumatanggi ba ang tanggero

manganganta ba ang kantero
namamangka ba ang bangkero

may tubo na ba ang tubero
may mina na ba ang minero

palikpik ba'y sa palikero
at pating ba'y sa patintero

bara-bara ba ang barbero
paano naman ang kaldero

may abo ba ang abogado
may asin ba ang asintado

abono ba'y sa abonado
taranta ba ang tarantado

kung nagbobomba ang bumbera
ano ang gawa ng bandera

alam kong di kayo nalito
sa paglalaro nating ito

pinapatunayan lang dito
umuunlad ang wikang ito

wika nati'y umaasenso
nalilinang, napoproseso

kaya alagaang totoo
ang ating wikang Pilipino

Putang Ina

PUTANG INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsan ako sa puta'y nakatitig
habang hawak ang serbesang malamig
ano kaya ang pinahihiwatig
ng kanyang gumagaralgal na tinig

maya-maya'y kausap ko na siya
mayroon daw siyang anak na isa
naanakan ng isang may-asawa
at sa kanila'y di na nagpakita

wala siyang trabahong mapasukan
ang hanap kasi'y may pinag-aralan
may kursong tinapos sa paaralan
ngunit wala siyang diplomang tangan

dahil sa hirap, di nakapag-aral
dahil sa hirap, puri'y kinalakal
dahil sa hirap, nawalan ng dangal
dahil sa anak, di nagpatiwakal

putang ina'y gumapang na sa lusak
upang mapakain ang kanyang anak
sa harap ng marami'y umiindak
habang sa pisngi, luha'y pumapatak

putang ina'y pasan na ang daigdig
nagsakripisyo dahil sa pag-ibig
sa anak na laging nangangaligkig
sa gutom na sadyang nakakaantig

ang puta'y masama, ayon sa pari
ang puta'y aliwan, ayon sa hari
ang puta'y kalakal, ayon sa kiri
masama, aliwan, binenta'y puri

tanong ng puta'y kailan lalaya
sa kalagayang sila ang kawawa
sa kanyang tanong ako nga'y napatda
di agad ako nakapagsalita

dibdib niya'y ramdam kong nagngangalit
saan daw ba ibubunton ang galit
sa kapalaran bang sadyang kaylupit
o sa lipunang sadyang mapanlait

nang matauhan agad kong nasabi
habang lumalagok ako sa bote
na itong gobyerno'y bulag at bingi
sa hinaing nitong nakararami

pati lipunan ay dapat sisihin
dahil ang tingin sa dukha'y alipin
naghaharing uri'y dapat sambahin
dapat ang lipunang ito'y baguhin

may kasalanan ba ang putang ina
sa lipunang ito kaya nagputa
tila putang ina'y mas dakila pa
sa pulitikong bansa ang pinuta

kahit hilo pa ako'y nagpaalam
sa kanyang kung kumapit parang langgam
habang ang mata niya'y humihilam
lumuluha bagamat umaasam

nagputa ang ina dahil sa hirap
pinuta ng lipunang mapagpanggap
ina'y nagputa dahil nangangarap
na balang araw, ginhawa'y malasap

Puta

PUTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

I.

Gusto ba ng puta na maging puta?
Pagpuputa ba'y inambisyon niya?

Hindi, walang babaeng nanaisin
Na maging putang lalait-laitin

Ngunit siya'y nasadlak sa putikan
Dahil itinulak ng kahirapan

Pagpuputa'y di niya pinangarap
Ngunit kanyang pamilya'y naghihirap

Kaya kumapit siya sa patalim
Pagpuputa ma'y karima-rimarim

Kahirapan ng buhay ang nagtulak
Upang sa pagpuputa na'y masadlak

Puri't karangalan ay pinagpalit
Nang pamilya'y mabuhay niyang pilit

II.

Noon, magandang dalaga't sariwa
Kaya iniirog sila ng madla

Ngayon, sila'y mga bayarang puta
Para mabuhay, ginamit ang ganda

Puta'y nabuhay sa mundong ibabaw
Pagkat buhay ng pamilya'y mapanglaw

Kaysa naman sila'y agad pumanaw
Puri'y kinalakal na parang lugaw

Ah, para na silang nagpatiwakal
Dito sa mundong ang hari'y kapital

Umaasa pa rin ang mga puta
Na magbabago itong buhay nila

Hangad makaraos sa kahirapan
Di pahirapang maging parausan.

III.

Ano bang kinabukasan ng puta
Sa ganitong lipunang api sila

Pagkat sa lipunang kapitalismo
Ang babae'y tinatratong produkto

Tingin sa babae'y bagay, di tao
Tingin sa puta'y aliwan lang dito

Kaya't dapat pangarapin ng puta
Na mabago ang bulok na sistema

Kung saan walang magpuputa dahil
Sa kahirapan at mga hilahil

Kaya isama ang puta sa laban
Upang lipunang ito'y mapalitan

At ating itayo'y isang lipunang
Di kakalakalin ang karangalan.

Lipunan ang Dapat Mag-ari

LIPUNAN ANG DAPAT MAG-ARI
ni Matang Apoy
11 pantig

di dapat nag-aari ang iilan
ng ikinabubuhay ng lipunan

dapat lang ariin nitong lipunan
ang ikinabubuhay ng iilan