Linggo, Oktubre 10, 2021

Nasamid

NASAMID

uminom lang ako ng tubig,  biglang nasamid na
ikapito't kalahati ng gabi, biglang suka
sumaklolo agad si misis, biglang nataranta
tila marami sa kinain ko'y niluwa ko na

parang kinapos ng hininga, agad naramdaman
bumara nga ay kanin sa ilong ko't lalamunan
isininga sa lababo, sa ilong naglabasan
baka sobra ang kain sang-oras magkahapunan

tiningnan agad sa oxymeter ang oksiheno
ang lumabas ay nobenta'y sais, nobenta'y otso
agad na ring nagsuob upang mainitan ako
at gamot na tinunaw sa tubig ang ininom ko

dapat kaming magpa-check up muli, ayon kay misis
dapat magpa-laboratoryo at anupamang test
ngunit sa variant na kayraming kaso'y magtitiis
pupuntang ospital, nakakatakot mang umalis

magbabakasakali, pupuntang ospital bukas
habang ngayon ay umiinom ako ng tabletas
buti, pagkasamid ko'y naagapan at nalutas
sana, bukas makatanggap ng marapat na lunas

- gregoriovbituinjr.
10.10.2021

Kwento sa taksi

KWENTO SA TAKSI

kwento ng kapwa manggagawa sa puso ko'y tagos
tanong sa taxi driver, sinong ibobotong lubos
sagot sa kanya, sa lesser evil, baka walang loss
kaysa di kilala, sa hirap di tayo matubos

ilang eleksyon nang pinili mo ay lesser evil?
may napala ba ang bayan sa mga lesser evil?
wala, di ba? bakit iboboto'y demonyo't sutil
huwag bumoto sa mga demonyo't baka taksil

may tumatakbong manggagawa sa pagka-pangulo
si Ka Leody de Guzman, isang lider-obrero
sagot niya, di naman kilala ang tumatakbo
maging praktikal tayo, hindi siya mananalo

ilang beses ka nang naging praktikal sa halalan
kahit alam mong demonyo'y pagkakatiwalaan
sa pagka-pwesto ba nila'y may napala ang bayan?
sagot niya, wala kasing ibang maaasahan

ngayong halalan, may nagbukas na bagong pag-asa
ang katulad mong manggagawa ay tumatakbo na
kung mga manggagawang tulad mo'y magkakaisa
lider-obrero ang pangulo sa bagong umaga

- gregoriovbituinjr.
10.10.2021

maraming salamat kay kasamang Larry sa kwentong ito
maraming maraming salamat din po sa litrato mula sa pesbuk

Swab test 2?

SWAB TEST 2?

di pa natitiyak kung ako nga ba'y negatibo
dahil wala pang swab test na nagdedeklara nito
paano makatitiyak, magpa-swab ba kamo?
ang swab test nga ba'y magkano? apat na libong piso!

nang nag-positibo'y ilang araw nang nakalipas
labing-apat na araw dapat magaling nang sukat
nang bumaba ang oksiheno, baga pa ba'y sapat
dapat magpa-laboratoryo't mabatid ang lahat

nais kong may patunay na negatibong talaga
sa muling pagsu-swab test ang makukuhang resulta
kahit apat na libong piso muli ang magasta
mawala mang kwatro mil ay anong sakit sa bulsa

ah, sadyang magastos talaga ang pagkakasakit
lalo't tumama sa iyo'y iyang salot na covid
na anuman ang kahihinatnan mo'y di mo batid
tatadtarin ka pa ng gastusing nakamamanhid

mabuti't may mga payo pa ring laging magsuob
ngumata ng bawang at magluya rin nang lumusog
mag-virgin coconut oil at buko'y inuming lubos
lahat ng inyong payo'y ginagawa ng marubdob

di makatuntong sa kalsada, di pinalalabas
dahil malakas manalasa ng baryant na hudas
kung makalingat ka'y baka todo itong papaspas
at baka manghinang lalo imbes nagpapalakas

- gregoriovbituinjr.
10.10.2021