Biyernes, Oktubre 30, 2015

Panahon ng lupit, panahong di ligtas

PANAHON NG LUPIT, PANAHONG DI LIGTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

taun-taon na lang, tuwing sumasapit ang undas
naaalala’y kasama’t mahal na nangawala
sa panahong karapatan ay binabalasubas
ng diktadura't pasistang animo'y isinumpa
ah, panahon iyon ng lupit, panahong di ligtas
nang aktibista'y nakibaka para sa paglaya
ngunit pilit dinukot ng mga pasista't hudas
ang buhay nila't pagkatao’y tuluyang nasira

hanggang ngayon, walang mukha ang desaparesido
katawan nila o bangkay ay di pa matagpuan
deka-dekada't nagpalit-palit ng kalendaryo
kahit dukha pa rin mayroon na raw kaunlaran
ngunit para lang sa iilan, patuloy ang gulo
globalisasyon, pribatisasyon ang kasagutan
magsasaka'y walang lupa, aklasan ng obrero
tuliro pa rin magpalakad ang pamahalaan

habang patuloy pa rin itong aming paghahanap
sugat ng panahon ay patuloy na lumalatay
katarungan naming asam ay tunay na kay-ilap
aming mahal kaya'y saang lupalop napahimlay
may pag-asa pa kayang ang hustisya'y mahagilap
para sa mga nawala naming mahal sa buhay
iisa lamang ang natitira naming pangarap
ang makita silang muli kahit isa nang bangkay

Paano ba tinatakbuhan ang utang?

PAANO BA TINATAKBUHAN ANG UTANG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di mo maiiwasan ang di magbayad ng utang
sapagkat iyong budhi'y tiyak mong makakalaban
di ka makatingin ng diretso sa inutangan
para bagang laging may multo sa iyong likuran
nagsasabing magbayad ka't siya'y nahihirapan

ama't ina ang pinagkakautangan ng buhay
na dapat alagaan, pagmamahal ang ialay
paglaki'y may kaibigan, mayroon ding kaaway
mayroong dahil sa alitan ay di mapalagay
tulad sa pulitika, kayrami na ng napatay

utang na barya-barya’y makakaya pang bayaran
ngunit kung milyon milyon, aba'y iba nang usapan
umutang sa iyo'y nagtila bula sa kadimlan
kahit guniguni't anino'y di na matagpuan
at kung ikaw iyon, bakit mo ako tinakbuhan

may utang na dugo ang mga pasista sa masa
noong batas-militar, kayraming nangawala na
lalo't nakibakang mapagpalayang aktibista
kaytagal na ng panahon, wala pa ring hustisya!
tinakbuhan ba ng estado ang inutang nila?

ang utang ba'y matatakbuhan ng mga may budhi?
kung buhay ang inutang, ubusan na ba ng lahi?
ang pagtakbo sa utang ay pagbabakasakali
ngunit kayhirap tumakbo, hustisya'y di madali
magbayad ng utang nang buhay ay di malugami

Ang Bilin

ANG BILIN

darating ang araw, mapupugto itong hininga
inihahabilin ko, di pa yaring kaluluwa
kundi itong katawan, na maitulong sa kapwa
di lang batid mamamatay ba sa sakit o bala

nais kong ang mga mata kong taglay ay ibigay
sa di pa nakakakita nitong bukangliwayway
sa nanghihinang puso, puso ko'y nais ialay
ngunit huwag sa walang pusong sakim, pumapatay

nais ko ring iambag itong aking mga dugo
sa sinumang nangangailangan, naghihingalo
pati anumang bahagi ng katawan ko't bungo
upang sakit ng dukha kahit paano'y maglaho

sunugin anumang nalabi sa aking katawan
at abo nito'y isaboy sa lupa't karagatan
nais kong muling maging bahagi ng kalikasan
habang lupa'y dinidilig ng agos ng tag-ulan

tanging ilibing lamang ay alaala kong sawi
at ibaón din anumang aking pagkakamali
na tanging maaalala'y akda't tula kong tangi
na babasahin ng susunod nating salinlahi

- gregbituinjr.
undas2015

Ang lunan sa labanan

litrato mula sa google
ANG LUNAN SA LABANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"We may be able to distinguish six kinds of terrain: accessible ground, entangling ground, temporizing ground, narrow passes, precipitous heights, positions at a great distance from the enemy." ~ from Sun Tzu's Art of War

sa isang mandirigma, dapat alam saang lunan
magaganap ang napipinto nilang sagupaan
kung saan ang bentahe'y doon dalhin ang labanan
mahirap suungin ang lugar na di mo malaman
baka doon matagpuan ang iyong katapusan

di nilalabanan ng banoy sa lupa ang ahas
alam niyang ang ahas pag nasa lupa'y malakas
kaya tinatangay iyon ng banoy sa mataas
ahas sa ere'y walang lakas pagkat ibang landas
ang himpapawid, tila saranggolang minamalas

dapat tulad din ng banoy ang isang mandirigma
inaaral ang lunan, sino't saan sasagupa
kung sa dagat, dapat kapara'y matinik na isda
alam ang sitwasyon, taktika'y inuunang lubha
nang sa pagdatal ng panganib ay handa sa sigwa