Miyerkules, Agosto 4, 2010

Boses Natin ay Kinuha Pa Nila

BOSES NATIN AY KINUHA PA NILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sadyang kinakawawa tayo ng burgesya
boses na natin ay kanila pang kinuha
laging kaybaba ng tingin nila sa masa
at buhay nito'y pinaglalaruan nila

trapo sa kampanyahan ay parang hunyango
sa masa'y iba-iba ang pakikitungo
mga maralita'y di raw dapat manlumo
pagkat naririyan daw silang nangangako

kayganda raw naman ng kanilang adhika
sa problema'y tutulungan ang maralita
sa kongreso'y kakatawan sa manggagawa
basta't iboto't maipanalo ng madla

bakit boses natin ay kinuha pa nila
bakit kakatawan sa dukha'y elitista
hindi, di ang burgesya ang ating pag-asa
burgesya'y mapagkunwaring tinig ng masa

bawiin sa burgesya itong ating tinig
may boses ang masang dapat lang iparinig
tandaang tayong dukha'y may sariling tindig
ipaglaban natin itong magkapit-bisig

Pag Nakibaka ang Maralita

PAG NAKIBAKA ANG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

pag nakibaka ang maralita
kasama ang buong puso't diwa
upang mga dukha'y mapalaya
mula sistemang mapang-andukha

itinuring silang hampaslupa
ng mga elitistang kuhila
dukha raw silang dapat lumuha
pagkat sila'y di raw pinagpala

pag maralita ang nakibaka
buong puso't diwa ang kasama
tungo sa pagpalaya ng masa
na binulok ng gagong sistema

pag nakibaka ang maralita
sosyalismo ang inaadhika

Patatagin ang Kagawaran ng Panustos

PATATAGIN ANG KAGAWARAN NG PANUSTOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

patatagin na ang kagawaran ng panustos
pondo't kagamitan ay dapat maiayos
kagawarang ito'y makakatulong ng lubos
sa pakikibaka at paggampan ng pagkilos

tandaang matindi kung magpondo ang burgesya
mayaman ang kagawaran ng panustos nila
natutustusan nga pati pagsasamantala
basta't sistema nila'y kanilang mapreserba

nais nating itayo'y isang bagong lipunan
kaya pakikibaka'y dapat nating tustusan
buhay na ang ating itinaya sa labanan
kaya tiyakin ang pagpondo ng himagsikan

dapat asikasuhan ang kagawarang ito
kung sa pakikibaka'y nais nating manalo