Miyerkules, Oktubre 14, 2015

Di pa lumuluha ang araw

DI PA LUMULUHA ANG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy naming tahak ang makikipot na landas
pulos balakid man ang dinaraanang talampas
na kung mapagtagumpayan man, kakamtin ang bukas
upang lansangan ng Pransya naman ang mababagtas

maging positibo tayo sa ating bawat galaw
adhikang nagpapaningas sa puso'y nagsasayaw
magpatuloy tayo't hindi pa luluha ang araw
sa bawat danas ay may aral tayong matatanaw

marami mang balakid, tila butas ng karayom
anumang panganib ay sama-samang sinusuong
walang iwanan ang magkakaPAAtid sa layon
para sa adhikang sa buong mundo'y binubulong

hindi nga ba't "the road to Paris starts in Manila"
kaya walang maiiwan, lahat ay sama-sama
di magmamaliw ang asam na "Hustisyang Pangklima!"
na sa kapwa'y ipaunawa nati't ipadama