Huwebes, Enero 30, 2025

Proyektong kaytagal na't dapat tapusin

PROYEKTONG KAYTAGAL NA'T DAPAT TAPUSIN

kayrami pang dapat tapusing kwento't tula
lalo sa usaping tokhang, mga winala,
karapatang pantaong sinagkaang lubha,
hustisyang panlipunan, uring manggagawa,
pandemya, community pantry, kapwa dukha

mga natapos ay balak kong isalibro
isang libro bawat paksa ng tula't kwento
bakasakaling kumita sa mga ito
nang may pambayad naman sa kautangan ko
kaya ang pagsusulat ay sineseryoso

sa tokhang, kayraming dapat makapanayam
karapatan ay bakit tila napaparam
sa due process ay tila walang pakialam
at sa namatayan ay walang pakiramdam
paninirahan pa ng dukha'y kinakamkam

sa panahong nagdaan ay di mapalagay
sa dami ba naman ng naglutangang bangkay
na batid mo sa ulat, sa lansangan, hukay
sa pagkatha ng kwento'y di lang pagninilay
pamilya ng biktima'y kausaping tunay

- gregoriovbituinjr.
01.30.2025

Paruparong dilaw pala'y alibangbang

PARUPARONG DILAW PALA'Y ALIBANGBANG

may bar noon sa Santa Mesa
noong ako'y talubata pa
na nagngangalang Alibangbang
na minsan ko ring tinambayan

narinig din noong malimit
ang isang popular na awit
ang "Sitsiritsit, Alibangbang"
at "Salaginto, Salagubang"

subalit iyang alibangbang
pala'y kayraming kahulugan
isa'y dilaw na paruparo
na sa krosword ay nabatid ko

tanong sa Dalawa Pababa
ay Dilaw na Paruparo nga
ang tamang sagot: Alibangbang
salamat sa palaisipan

alibangbang na nadalumat
sa kwento't tula'y isusulat
sa makata, ito na'y misyon
nang sa kamalayan bumaon

- gregoriovbituinjr.
01.30.2025

* krosword mula sa pahayagang Abante, Enero 30, 2025, p.7
* alibangbang: a small, yellow-winged butterfly, mula sa kawing na https://www.tagaloglang.com/alibangbang/