Lunes, Hunyo 7, 2021

Pagsulat at pagtipa ng akda

PAGSULAT AT PAGTIPA NG AKDA

kailangang itipa anumang nasasaisip
kahit pa nga ito man ay mula sa panaginip
may kwaderno't pluma ka bang palaging halukipkip
upang maitala agad ang iyong nalilirip

tulad na lamang ng bagsik ng alamid sa parang
o noong akala mo'y hahabulin ka ng musang
o may leyong paparating kaya ka nagulantang
o dahil sa takot ay nagising kang parang hibang

may diwatang sumasayaw sa karimlang pusikit
habang dinig ang siyap ng kaawa-awang pipit
habang may pulubing ang suot ay gula-gulanit
habang sa mga nangyayari'y di ka makapikit

paano nila inakda ang palalong pag-ibig
ng mayamang lalaking sa dukhang dilag umibig
paano ikwento ang manggagawang kapitbisig
upang mapang-api't mapagsamantala'y mausig

habang ako'y naririto, susulat nang susulat
kakathain ang anumang dapat maisiwalat
dahil ako'y makatang tibak, misyon ay magmulat
upang masa'y sama-samang kumilos at dumilat

susulat, lilikha, kakatha, aakda, ako pa
tutula at patuloy sa nasimulang nobela
kahit wala mang kompyuter o kaya'y makinilya
matiyaga akong magsusulat gamit ang pluma

- gregoriovbituinjr.
06.07.2021.World Food Safety Day

Anang isang paham

nakatunganga akong lumbay ang katalamitam
nang mapadako ang pansin sa babasahing tangan
doon nga'y nakita ang sinabi ng isang paham
lalo na't hinggil sa ating pantaong karapatan

anya, mga karapatan ay di galing sa langit
kundi galing sa pakikibaka, ito'y nakamit
pinaglaban ito ng mga api't maliliit
iyan ang katotohanang itinatagong pilit

animo'y balaraw ang kanyang salita, matalim
nakasusugat sa mga pusong may paninindim
o kaya'y kapara ng laot sa dagat, malalim
dapat sisirin upang maarok ang salamisim

habang naglalakbay pauwi sa munti kong lungga
naninilay ang sinabi ng paham na dakila
at tila ako'y natulalang biglang nagmakata
ah, laksa'y dalita, iilan ay nagpapasasa

nakukuha lang ang diyamante sa laksang putik
na maaari kang malunod o mata'y tumirik
kaya karapatang pantao'y dapat lang matitik
sa budhi ng bawat isang walang patumpik-tumpik

- gregoriovbituinjr.
06.07.2021.World Food Safety Day

Kumain ng sapat at magpalakas

KUMAIN NG SAPAT AT MAGPALAKAS

Ayos bang pabigat ng pabigat ang iyong timbang?
Basta ba huwag kang maging pabigat sa tahanan?
Nagsisikap ka pa rin para sa kinabukasan
At ang mahal mong pamilya'y pinangangalagaan

Ngunit katawan mo'y alagaan mo ring mabuti
Baka pabigat ng pabigat ka'y di mapakali
At baka di ka na makalakad sa bandang huli
Tandaan mong ang pagsisisi'y laging nasa huli

Maya-maya lang ay pipitas na ng igugulay
Aba'y nagbunga rin ang malaon mong paghihintay
Tunay ngang nagbubunga rin ang bawat pagsisikhay
Upang sa pamilya'y di maging pabigat na tunay

Isda'y piprituhin, gulay ay isapaw sa kanin
Maya-maya pamilya'y salu-salo sa pagkain
Marami mang nakahain, sapat lang ang kainin
Upang di bumigat ang timbang na di kakayanin

- gregoriovbituinjr.
06.07.2021.World Food Safety Day