Linggo, Pebrero 2, 2014

Kaytayog ng bundok na aking inaakyat

KAYTAYOG NG BUNDOK NA AKING INAAKYAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaytayog ng bundok na aking inaakyat
taas nito'y metro-metrong di ko masukat
di napapagod, tila ako'y may agimat
gayong mukha't kamay ko'y puno na ng sugat

anong naroroon sa matayog na bundok
at ninasa kong abutin ang kanyang rurok
daratnan ko ba'y lantay at wala nang bulok
o pagdatal ko roon, ako'y malulugmok

habang sinisilip ko ang nasa ibaba
tila ako'y nasa ulap, nakalulula
sandaling pahinga sa nahanap na lungga
at minumuni-muni ang sagot sa sumpa

kaylayo na pala nitong aking narating
pag nagkamali, lalaglagan ko'y kaylalim
naroon ba sa bundok ang mutya ng dilim
na hahatiran ko ng liwanag na angkin

ginto sa putikang kayhirap mahagilap
sana'y matagpuan ko ang pinapangarap
salamat ng marami kung ito'y mahanap
pagkat nagbunga rin ang aking pagsisikap

May liwanag din sa karimlan

MAY LIWANAG DIN SA KARIMLAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

may liwanag pa kayang aasahan
ang masang nilukob ng karukhaan?
ang manggagawang aliping sahuran?
ang pesanteng tali sa kabukiran?

ang dukhang dinemolis ang tahanan?
ang mga bilanggong nasa kulungan?
ang mga obrerong nandarayuhan?
ang mga ginigiling ang katawan?

ang mga babaeng may nakaraan?
ang lalaking walang kinabukasan?
ang pulubing walang laman ang tiyan?
ang nagtatakbuhang batang lansangan?

ang ulilang lubos na kabataan?
ang sanggol na iniwan ng magulang?
ang mga hindi pa isinisilang?
ang mamamayang lubog na sa utang?

hangga'y may buhay daw ay may pag-asa
may liwanag na aasahan sila
pagkatapos ng gabi ay umaga
di natutulog ang inang hustisya

mababago ang bulok na sistema
kung masa'y tunay na magkakaisa
kung manggagawa'y magsama-sama
kung walang mga mapagsamantala

kung susundin ng tao ang Kartilya
ng Katipunan na gabay ng masa
kung kikilanlin ang pagkakaiba
at pagkapareho ng bawat isa

kung kolektibong nilulutas nila
ang anumang dumatal na problema
kung sa kapwa'y may pagmamahal sila
tunay ngang pag may buhay, may pag-asa

Kinsenas, katapusan

KINSENAS, KATAPUSAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

karaniwan nang sa mga pinapasukan
opisina man, lansangan, o pagawaan
ang pasahod ay kinsenas at katapusan
natanggap na sweldo'y kayraming kaltas naman

dahil bagong sahod, akala mo na'y paldo
gayong kayraming bayaring babayaran mo
kuryente, tubig, upa sa bahay o kwarto
maniningil ay nakapila na sa iyo

parang balewala ang sahod na kinsenas
pagkat may bayaring awtomatikong kaltas
SSS, Pag-ibig, PhilHealth, kaylaking bawas
pag nagbunganga si misis, aray, kaytalas!

"saan na naman kayo ng inyong barkada?
o baka sweldo mo'y pinambabae mo na?
bakit sa sahod mo'y ito lang ang natira?
malaking parte nito'y saan mo dinala?"

tuwing kinsenas, katapusan, nasasabik
sa bago mong sahod pagkat bulsa na'y tirik
ngunit di ka pala nabunutan ng tinik
kay misis at sa bahay paano babalik

karampot ang sahod sa ganitong lipunan
pagkat isa ka lamang aliping sahuran
sapat para makabalik kinabukasan
upang araw-araw ay alipinin lamang

pagkat ganyan ang sistemang kapitalismo
lakas-paggawa mo'y di-mabayarang wasto
kalagayang ito'y nais mo bang mabago?
aba'y organisahin ang kapwa obrero!

suriin ang sistemang sa inyo'y kumahon
bilang sahurang aliping tila patapon
magkaisa't magsikilos na kayo ngayon!
kapitalismo'y palitan, magrebolusyon!