Huwebes, Marso 28, 2024

Sa pagitan ng tsaa't taludtod

SA PAGITAN NG TSAA'T TALUDTOD

sa pagitan ng tsaa't taludtod
ay nagagawa ko pang isahod
ang libog, dusa, lumbay, hilahod
kung di lang nadulas sa alulod

lilikhain ko pa rin ang langit
sa gitna ng nadaramang init
pagkakatha'y nais bumunghalit
damang may ngiti sa bawat saglit

di agad tanaw ang kabulukan
dahil sa ningning nila't kariktan
makintab sa labas pag tiningnan
ngunit uod ang kaibuturan

ganyan din iyang sistemang bulok
mapagsamantala'y nasa rurok
tiyan ng kapitalista'y umbok
mula burgesya ang nakaluklok

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

Tahong at talong

TAHONG AT TALONG

mula palengke, tahong muna'y hinalabos
hinugasan at binabad ito sa tubig
na maligamgam saka hinanda ang talbos
luya, bawang, sibuyas, kawali sa gilid

tanghali iyon, ngayong gabi iniluto
di napuna sa dami ng gawaing bahay
na gabi na pala, ramdam ko'y narahuyo
sa pagsusulat, pagtula at pagninilay

nagpahinga at muntik na ring makatulog
inihanda na ang kawali pagkat gutom
una ko munang ginisa ang mga sahog
saka nilagay ang luya, talong at tahong

naglagay ng tubig at asin, nagpasabaw
nilagyan ng talbos at dahon ng sibuyas
pinakulo, sa sarap ako'y napahiyaw
O, misis ko, tila ba ako na'y lalakas

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

Nakapikit

NAKAPIKIT

"Paano ka ba matulog?"  tanong sa akin minsan
"Nakapikit." ang payak kong tugon sa katanungan
wala lang, iyon ay basta natanong sa inuman
ang tanong pala'y kung ako'y magkukumot at unan

sa akin, saanman mapasandal, nakakaidlip
may banig o kama, may kumot o wala, pipikit
saanman mapunta, ganyang tanong ay di malirip
di naman paimportante, kung antok na'y pipikit

di ko na problema ang banig o magarbong kama
nakaupo, nakahiga, o nasa sasakyan pa
basta inantok, ako'y pipikit na lang talaga
liban kung nasa labas, seguridad ay taya na

may kasabihan nga tayo, "kung maigsi ang kumot
ay huwag munang mag-umunat, kundi bumaluktot"
pagtulog ay di problema, saanman mapasuot
pipikit na lang pag inantok o kaya'y nanlambot

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

Freindship ba o Friendship?

FREINDSHIP BA O FRIENDSHIP?

typo error agad sa mata ko'y nahagip
sa bilihan ng aklat habang nag-iisip
ang awtor: Jane Austen; ang aklat: Love and Freindship
di ba't ang wastong pagbaybay niyon ay Friendship?

editor ba'y pabaya't di nakitang tunay
marahil sa kanila'y ganyan ang pagbaybay
pagkat sa Wikipedia sa akin sumilay
titulo'y Love and Freindship pag binasang tunay

di iyon typo error, ipagpalagay na
parang labor sa US, labour sa Britanya
ang break at ang brake, magkatunog, magkaiba
ang spelling sa isa ay iba sa iba

ang Love and Freindship kaya'y magandang basahin
sa pamagat pa lang, baka ika'y kiligin
Pag-ibig at Pagkakaibigan ang salin
salitang ugat ay IBIG kung nanamnamin

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa isang estante ng bilihan ng aklat

Gas hydrate, natuklasan sa Manila Trench

GAS HYDRATE, NATUKLASAN SA MANILA TRENCH

nadiskubre ng mga geolohista ng UP
doon sa Manila Trench ang posibleng deposito
ng gas hydrate bilang isang alternative energy
resource na sa paglaon magagamit na totoo

parang yelo raw ito sa sahig ng karagatan
na mababa pa sa freezing point ang temperatura
dami ng karbon nito'y dalawang beses ang laman
na "potentially viable power source" din daw pala

taga-College of Science silang sound waves ang ginamit
upang matukoy sa mapa ang seismic reflection
ng gas hydrate, mga nagsaliksik ito ang sambit,
na tinawag nilang bottom simulating reflectors

nasa mahigit labinlimang square kilometer
sinlaki ng isla ng Palawan ang naturang trench
na laman nga'y gas hydrate, ayon sa mga researcher
ay, kaylaking deposito nito sa Manila Trench

abot dalawandaan hanggang limangdaang metro
ang lalim ng seafloor, batay sa kanilang pagtaya
subalit nagbigay babala rin ang mga ito
dahil sa geological, environmental threat nga

ang natutunaw na gas hydrate ay baka magdulot
ng seafloor disturbance na maaaring magresulta
sa tsunami't underwater landslide, nakakatakot
pati rin daw carbon at methane ay apektado pa

nagsasagawa na ng dagdag pang imbestigasyon
sa ibang offshore sa ating bansa, anang balita
gayunman, natuklasan nila'y pag-aralan ngayon
upang sa hinaharap ay di tayo mabulaga

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

* balita mula sa pahayagang Abante, Marso 15, 2024, p.8

Paglipol ang esensya ng ChaCha nila

PAGLIPOL ANG ESENSYA NG CHACHA NILA

sandaang porsyentong aariing sadya
ang kalupaan ng bansang dapat malaya
ang nais nila tayo'y mawalan ng mukha
manatiling iswater sa sariling bansa

nais nilang distrungkahin ang Konstitusyon
political dynasty ay tanggalin doon
nukleyar pa'y nagbabantang payagan ngayon
bukod pa sa pangarap nilang term extension

mag-aaring sandaang porsyento ang dayo
lupa, tubig, kuryente, serbisyo publiko
iskwater ay gagawing sandaang porsyento
sa ngalan ng dayo, nalilipol na tayo

dayuhang edukasyon ay papayagan na
ito'y gusto raw ng mga kapitalista
na susunod na manggagawa'y maeduka
upang sa dayo'y magpaalipin talaga

pinapirma para sa ayuda ang madla
na nasa likod pala'y ChaCha ng kuhila
balak ng ChaCha nila'y malipol ang dukha
na dignidad ng tao'y binabalewala

dapat pagkain sa mesa, hindi Charter Change
dapat disenteng pabahay, hindi Charter Change
dapat trabahong regular, hindi Charter Change
walang kontraktwalisasyon, hindi Charter Change

buwagin na ang lintang manpower agencies
na sa obrero'y sumipsip ng dugo't pawis
dapat ding tugunan muna ang climate crisis
hindi Charter Change ng mga mapagmalabis

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa UST bago magsimula ang Kalbaryo ng Maralita, Marso 26,2024

Hustisya sa mga desaparesido

HUSTISYA SA MGA DESAPARESIDO

kayraming nangawalang may mga pangalan
ngunit katawan ay di pa natatagpuan
ang hiyaw ng pamilya nila'y katarungan!
ang kanilang mahal sa buhay ba'y nasaan?

umano'y dinukot dahil daw aktibista
na naglilingkod ng buong puso sa masa
na nais baguhin ang bulok na sistema
na asam kamtin ay panlipunang hustisya

mabuhay kayong mga desaparesido
kumilos para sa bayan, kami'y saludo
na inorganisa'y magsasaka't obrero
upang itayo ang lipunang makatao

nawa bangkay ninyo'y matagpuan pa namin
nang mabigyan kayo ng marangal na libing
nang mga maysala'y talagang panagutin
nang hustisya para sa inyo'y makamtan din

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

* litratong kuha sa Bantayog ng mga Bayani