Lunes, Enero 24, 2022

Paggawa

PAGGAWA

dapat pang ipaglaban ang hiling at karapatan
ng mga manggagawang nagrarali sa lansangan
bakit? di ba't sila ang lumikha ng kabuhayan?
bakit ba sila'y api't tila di pinakikinggan?

bakit kapitalistang kuhila ang naghahari
at ginawang sagrado ang pribadong pag-aari?
bakit nasa ituktok ang burgesya, hari't pari?
bakit lugmok ang buhay ng manggagawa't kauri?

manggagawa ang tagalikha ng yaman ng bansa
pag-unlad ng ekonomya'y sila rin ang may gawa
kaya imortal ang misyong ito ng manggagawa:
ang daigdig ay buhayin ng kamay ng paggawa!

ganyan nga kahalaga ang paggawa sa daigdig
binubuhay ang sangkatauhan ng diwa't bisig
O, manggagawa, kapitalismo'y dapat malupig
kaya kayo'y magkaisang-diwa't magkapitbisig

- gregoriovbituinjr.
01.24.2022

Pag-like

PAG-LIKE

nila-like ko basta lumitaw sa wall ko ang gawa
ng mga tulad kong nagsusulat o mangangatha
ipakita sa kanilang binabasa kong sadya
ang kanilang akda, sanaysay man, kwento o tula

pagkat pag walang nag-like, dama ko ang pakiramdam
parang di ka binasa ng friend mo o katsokaran
bagamat di mo intensyong basahin ka ninuman
kundi kumatha't maisulat ang nasa isipan

kaya nila-like ko agad pag gawa ng makata
upang ipadamang sila'y binabasa kong sadya
na may kaibigan din pala sila't tagahanga
na ninanamnam kong lubos ang kanilang inakda

ganyan ko nais ipakita ang suportang tunay
sa kapwa mangangathang wala mang birtud na taglay
subalit sa pagkatha'y nagsisikap, nagsisikhay
upang ihatid ang nasa loob nila't palagay

- gregoriovbituinjr.
01.24.2022

Double meaning

DOUBLE MEANING

sa palengke'y may pinaskil man din
para sa mamimiling parating
double meaning pag iyong basahin
depende paano mo bigkasin

pag mabilis ang bigkas, diyahe
magpatuli muna, tila sabi
tuli lang ang pupuntang palengke
nakakatuwa naman ang siste

kung mabagal ang bigkas, ecobag
ang iyong gamitin, di plastic bag
sa madaling sabi o pahayag
bawal ang plastik, huwag lalabag

natuwa ako't nilitratuhan
ang paskil sa aking napuntahan
nagmistula mang katatawanan
ay tulong na sa kapaligiran

- gregoriovbituinjr.
01.24.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng palengke sa Pasig, kung saan nakasulat sa isang paskil: "Bawal supot dito"

Respeto

RESPETO

sa C.R.: "as courtesy to the next customer, please flush"
ah, kailangan pa ba ng ganitong patalastas
matapos na jumingle o magbawas sa kasilyas
walang disiplina't may abiso bago lumabas?

mapalot pag iniwang di nai-flush ng burara
mapanghi ang sasalubong, ay, nakakatulala 
"courtesy to next customer", madaling maunawa
may paggalang sa susunod na gagamit, sa madla

C.R. dapat malinis para sa mga kostumer
nilikha upang tao'y di na jumingle sa pader
upang di umihi o magbawas somewhere, anywhere
pumapalot ang inihian kung wala tayong care

madali namang ating sarili'y disiplinahin
nang di mandiri ang susunod kung ito'y gamitin
di ba't kayganda kung C.R. ay anong linis man din
kaysarap ng pakiramdam sa puso't diwang angkin

- gregoriovbituinjr.
01.24.2022