Martes, Disyembre 24, 2019

Papel sa lipunan

nais kong hanapin ang aking papel sa lipunan
ayokong umupo't tumunganga lang sa kawalan
nais kong harapin ang anumang isyu ng bayan
at kumilos ng buong puso't may paninindigan

ako man ay isang abang aktibista sa lungsod
kumikilos pagkat ayokong laging nakatanghod
bilang pamilyadong manggagawa'y kayod ng kayod
upang negosyante'y kumita, nagpapakapagod
habang di tumbas sa lakas-paggawa yaong sahod

ayokong pulos pahinga't lagi lang sa bahay
sa nangyayari sa bayan, di ako mapalagay
tutunganga na lang ba ako't pulos pagninilay
na balewalang kumilos pagkat baka madamay

ako'y isang tibak na sa bayan ay may tungkuling:
dapat gampanan upang makamit ang simulain
dapat ipagwagi ang prinsipyo't pangarap natin
dapat ipagtagumpay ang niyakap na layunin
dapat itayo ang lipunang ating adhikain

- gregbituinjr.
* Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2019, p. 20

Tanaga sa Pagtatapos ng Taon

TANAGA SA PAGTATAPOS NG TAON

huling araw ng taon
di man lang maglimayon
magdamag at maghapon
ay nagrerebolusyon

magtiwala ka lamang
sa ating pamunuan
at tayo’y magtulungan
tungkulin ay gampanan

nawa’y maging parehas
ang palakad ng batas
wala nang pandarahas
at walang inuutas

buhay ay ipagtanggol
laban sa gago’t ulol
huwag dinggin ang sulsol
kung buhay ay puputol

maralitang iskwater
tinokhang at minarder
ng haring ala-Hitler
at naroon sa poder

pantaong karapatan
hustisyang panlipunan
ang kinakailangan
ng ating mamamayan

obrero’y kumakayod
araw-araw ay pagod
pamilya’y tinaguyod
kaybaba na ng sahod

nang binaril ng punglo
ay nabasag ang bungo
ang pumaslang na dungo
dapat lang mabilanggo

- gregbituinjr.

* Nalathala ang tulang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2019, pahina 20

Mga Binhi ng Diwa

nais kong mamangka
sa mahabang ilog
itatanghal ang diwa
hanggang sa tugatog

alagaan natin
ang kapaligiran
ating aayusin
pag kinailangan

sa bangin ng buhay
gawin ang mabuti
minsan ay magnilay
sa dilim ng gabi

bayan ay iligtas
sa mga kurakot
lalo na't dumanas
ng mga hilakbot

umasang liwanag
ay mahalukipkip
lalo na't magdamag
tayong nanaginip

magkapitbisig na
ang mga obrero
at gawing maganda
ang bayan at mundo

mahaling mabuti
kung ina'y kapiling
huwag magsisisi
kung gawa'y magaling

- gregbituinjr.
* unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Disyembre 2019, pahina 20