Linggo, Hunyo 21, 2020

Ang pure math versus applied math

nakakatuwa man ang pure math tulad ng paglaro
ng sudoku, ang applied math ang maraming pangako
minsan, may ekwasyong lulutasing di ka susuko
di pwedeng pulos pag-ibig lang, dapat may pagsuyo

saan mo gagamitin ang kaalaman sa pure math
kundi ekwasyon ay malutas lang nang walang puknat
kumpara sa applied math, may pakinabang kang sukat
dahil makakatulong sa kapwa't bayan mong salat

ang pure math ay tulad ng sudoku, puzzle, abstraksyon
na masaya kang lutasin ang anumang ekwasyon
pure math ay pulos ideya, wala mang aplikasyon
gayunman, baka balang araw ay magamit iyon

ngunit magandang pareho natin silang mabatid
kombinasyong pure at applied math sa diwa'y ihatid
abstrakto o baliwag man ang ideyang sinilid
sa utak, may pakinabang din sa mundo't paligid

- gregbituinjr.
06.21.2020

Nais ko munang matulog ng labinglimang taon

nais ko munang matulog ng labinglimang taon
gigising lang muli pagsapit ng taon na iyon
tulad sa Demolition Man ni Sylvester Stallone
kasama si Wesley Snipes sa pelikula noon

nais ko nang matulog nang matulog ng mahimbing
paglipas ng labinglimang taon saka gigising
at masigla akong babangon sa pagkagupiling
baka wala nang pandemyang sadyang nakakapraning

sana'y may teknolohiyang tulad sa pelikula
sa aparato'y matutulog akong walang gana
habang COVID-19 pa sa mundo'y nananalasa
baka sa paglipas ng mga taon ay wala na

kung may aparatong ganyan, ako sana'y sabihan
at ipapahinga roon ang pagal kong katawan
isa't kalahating dekada'y baka saglit lamang
at pag nagising, patuloy pa ring maninindigan

- gregbituinjr.

Paano nga ba ang paggawa ng maikling kwento

paano nga ba ang paggawa ng maikling kwento
kung hindi ka naman nakikipag-usap sa tao
saan mo hahanguin ang mga ikukwento mo?
pulos ba sa haraya, sa pantasya o sa limbo?

di ba't ang kwento'y magandang may pinagbabatayan
lalo na't tunay na buhay ang iyong salalayan
ngunit kung sa kwentong pantasya'y mahusay ka riyan
tulad ng Encantadia, bawat akda'y pagbutihan

minsan, manood ng balita ng tunay na buhay
pag-ibig, aksidente, paglisan, puso'y umaray
makinig din sa tsismisan ng iyong kapitbahay
anong ginawa ng pulis sa ilalim ng tulay

subalit ano nga bang maipapayo ko rito?
basahin mo ang librong Mga Agos sa Disyerto
na sa panitikang pambansa'y isa nang klasiko
lima silang manunulat, may tiglilimang kwento

basahin mo pati kwento sa magasing Liwayway
ano ang mga salik ng kwento: tauhan, banghay,
lunan, panahon, ginamit na salita, magnilay
sa pagbabasa, ang pagkatha'y magiging makulay

kumuha ng bolpen at papel, simulang magsulat
minsan isipin din, sinong babasa't bubulatlat
sagutin bakit sa kwento mo sila'y mamumulat
matapos mabasa'y anong tumimo't nahalungkat?

- gregbituinjr.