Lunes, Marso 6, 2017

Ayuno ng dukha

AYUNO NG DUKHA

halina't tayo'y magsipag-ayuno
at sabayan ang ugaling Kristyano
nang sa pagkain makatipid tayo
lalo't sa bigas ay walang panggasto

pag-aayuno'y ating idahilan
kahit ito'y laging nararanasan
panay ayuno na sa karukhaan
tila dukha sa ayuno'y huwaran

halina't mag-ayuno, kapwa gutom
saka na kumain kung makasumpong
ng kanin, maigi kung may balatong
mag-ayuno habang hilong-talilong

nag-aayuno na lang habambuhay
at kapitalista'y ngingising tunay
baka sa ayuno'y ating mahintay
ang asam na ginhawa pag namatay

- gregbituinjr.

Ang abang makata

ANG ABANG MAKATA

sa akin palagi na lang silang naliliitan
"makata lang iyang hayup na iyan! makata lang!
huwag nyong pansinin, pagtula lang ang kaya niyan!"
tila ba sa kanila, ako'y batang walang alam
walang anumang dunong kaya hayaan na lamang

"huwag ninyong kausapin ang baliw tulad niya!
baka mahawa kayo sa kanyang lumbay at dusa!"
tila walang pinagdaraanang pakikibaka
iyang abang makatang lagi nilang nakikita
tula lamang daw ng tula para sa kanyang musa

nagpapatuloy pa rin ang kanilang panlalait
habang sinturon ko'y unti-unting pinahihigpit
sa pagtula ko'y papalakpak silang tila paslit
at ngingisi-ngisi habang dibdib ko'y napupunit
mamaya lang sa diwa nila ako'y mawawaglit

ganyan sa daigdig naming tila di masawata
ang mga umiidolo't dinaanan ng sigwa
puso ko'y marahang pinadurugo't hinihiwa
upang sa dulo'y matagpuan ang laksang kandila
habang sa parangal binigkas ang aba kong tula

- gregbituinjr.