Biyernes, Abril 8, 2022

Kuryenteng mahal

KURYENTENG MAHAL

presyo ng kuryente sa bansa'y talagang kaytaas
sa Asya, pangalawa'y Japan, una'y Pilipinas
paano ba natin ito agarang malulutas
yumayaman lang ang kapitalistang balasubas

masa'y kawawa sa mahal na presyo ng kuryente
anong ginawa ng gobyernong parang walang silbi
di ba nila ramdam? ang bayan na'y sinasalbahe
negosyante ng kuryente pa ang kinukunsinti

kumikita ba ang gobyerno sa kuryenteng mahal
kaya walang magawa, masa man ay umatungal
labis-labis na ang kamahalang nakasasakal
para bang dibdib ng masa'y tinarakan ng punyal

tama na, sobra na, presyo ng kuryente'y ibaba
upang di masyadong mabigatan ang maralita
kung magpapatuloy ang ganito, kawawang bansa
pagkat ang gobyerno palang ito'y walang magawa

dapat na magsilbi kang tunay, O, pamahalaan
pamurahin ang kuryenteng gamit ng sambayanan
kaming mga konsyumer dapat ninyong protektahan
price control sa kuryente'y inyong ipatupad naman

- gregoriovbituinjr.
04.08.2022
* binasa't binigkas ng makatang gala sa pagkilos sa harap ng tanggapan ng ERC (Energy Regulatory Commission)

Pluma bira

PLUMA BIRA

ang sabi ko, walang sisinuhin ang aking pluma
kung sakaling matamaan ka, hingi ko'y pasensya
dapat ko lang kasing ilabas ang nasa konsensya
baka tiyan ko'y kumulo sa kawalang hustisya

walang diyaryo ang sa sulatin ko'y maglathala
sa midya sosyal lang naibabahagi ang katha
subalit sinisikap birahin ang mali't sala
nagmamasid sa paligid, naghahanap ng paksa

kaya pag may nakitang mali'y aking susuriin
anong puno't dulo'y aralin bago batikusin
pag may nakitang mali, magsisimulang kathain
ang tula ng batikos, akin silang bibirahin

sinumpaang tungkulin ng manunulang tulad ko
pasaknong at pataludtod ay bibirang totoo
upang panlipunang hustisya'y makamit ng tao
pasensya na pag sa bira ko'y natamaan kayo

kung sa akin sana'y may maglathalang pahayagan
araw-gabi'y sisipagan ko ang pagkathang iyan
nang maiparating sa madla't kinauukulan
ang nangyayaring katiwalian at kabulukan

- gregoriovbituinjr.
04.08.2022

Munting radyo

MUNTING RADYO

aking binili'y munting radyo, munting kasiyahan
nang mga balita't musika'y aking mapakinggan
mga ulat sa nangyayari sa kapaligiran
isyung panlipunan, klima, daigdig, talakayan

iniuwi sa bahay na lugod ang nadarama
di muna ako nag-A.M., hanap muna'y musika
magi-A.M. lang para sa balita sa umaga
gabi, pinihit ang F.M., pulos awitan muna

maya-maya lang, musika'y natapos, pulos kwento
talakayan ng anchor, ang masa'y iniinterbyu
hanggang dumating si misis na galing sa trabaho
nainis, ayaw marinig ang pinakikinggan ko

aba'y ang sakit naman ng agad niyang reaksyon
bago kong radyo't pinakikinggan ay ayaw niyon
radyo'y pinatay, nasok sa silid, natulog doon
at ngayong madaling araw lamang ako bumangon

nagpasya ako, dadalhin ko na sa opisina
ang munti kong radyong sa puso'y nagbibigay-saya
kung iuwi ko man sa bahay ay kung wala siya
kung sa bahay ang trabaho sa kompyuter tuwina

munti kong karanasan iyan sa radyong nabili
na sa munting kasiyahan lang naman ay mawili
pag si misis ay umuwi na, saka itatabi
itatago sa bag kong may ngiti sa guniguni

- gregoriovbituinjr.
04.08.2022