Miyerkules, Abril 12, 2023

Paniwang

PANIWANG

paniwang ang tawag sa panlinis ng palikuran
na dati-rati'y basta pangkuskos ang tawag riyan
ngayon, may Sinaunang Tagalog pala - paniwang
na nais ko na ring gamitin sa kasalukuyan

tinatawag ko ngang "yung pang-ano" sa C.R. noon
kumbaga sa kaldero, iyon 'yung pang-isis doon
sa kasilyas, panlinis sa dingding ng C.R. iyon
at sa inidoro, nang pumuti ang loob niyon

kung 'pansuro' ang dustpan, na sa kwento'y nabasa ko
ang 'paniwang' naman ay magagamit ding totoo
habang itinataguyod ang wikang Filipino
sa mga tumutula at nagsusulat ng libro

gamitin din natin sa katalamitam na madla
pahiram ng paniwang, gagamitin ko pong sadya
lilinisin ko lang ang palikurang anong sama
umitim na sa dumi ang kubetang napabaya

kukuskusin ko ang mga dingding nitong paniwang
sa inidoro, ibabaw, ilalim, pati siwang
maiging linisin, paputiin nang walang patlang
nakakapagod man ay gawing parang naglilibang

- gregoriovbituinjr.
04.12.2023

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 927

Makabagbag-damdaming editorial cartoon

MAKABAGBAG-DAMDAMING EDITORIAL CARTOON

kaygandang dibuho sa editorial cartoon
na naglalarawan sa nangyayari ngayon
ganyan ang editoryal na ang nilalayon
madla'y magsuri bakit nagaganap iyon

ang iginuhit ay makabagbag-damdamin
dahil nasasapul ang diwa't puso natin
isang tao'y naroong yakap-yakap man din
ang isang kabang bigas na nagmahal na rin

"Ang mahal mo na" ang namutawing salita
sa harap ng kabang bigas na minumutya
at ako bilang mambabasa'y naluluha
sa katunayang nagpapahirap sa madla

nahan ang sangkilong bente pesos na bigas
na pinaniwalaang dala'y bagong bukas
ngunit pangakong isa lang yatang palabas
na parang pelikulang iba ang nilandas

pag inunawa mo ang kaygandang dibuho 
parang patsutsada sa napakong pangako
panibagong kalbaryo na nama't siphayo'y
daranasin ng madlang laging sinusuyo

- gregoriovbituinjr.
04.12.2023

Tibuyô

TIBUYÔ

tingni't naririto ang munti kong tibuyô
na hanggang ngayon ay di ko pa napupunô
sinusuksukan ko lagi ng tigsasampû
na barya, pati na bente pesos na buô

nawa'y mapunô ko ito sa Mayo, Hunyo,
Hulyo, Agosto, o kaya'y bago mag-Pasko
akin namang ilalagak ito sa bangko
o kaya'y bibili ng pantalon at libro

sa mga diksyunaryo, tibuyô pa'y wala
ngunit batid na ito nang ako pa'y bata
pagkat si Ama'y ito ang sinasalita
alkansya'y tibuyô sa Batangas na wika

iyon ngang hawot ay nasa diksyunaryo na 
maging ang tuklong na isang munting kapilya
nawa tibuyo'y mailagay din talaga
kawayan man o bao'y talagang alkansya

kinasanayan kong sa tibuyô mag-ipon
kahit barya-barya, lalagô rin paglaon
nang kami ni misis ay makapaglimayon
sa Tokyo, Berlin, Paris, o New York man iyon 

- gregoriovbituinjr.
04.12.2023

GISIKABA

GISIKABA
(GInisang SIbuyas, KAmatis, BAwang)

niluto ko'y ginisang sibuyas, kamatis, bawang
upang maiulam ko mamayang pananghalian
aba'y masyado na raw akong nagbe-vegetarian
sabi ko'y hindi, ako lang ay nagba-budgetarian

nagawan ko pa ito ng daglat na GISIKABA
na tila nagtatanong ng ganito: Gising Ka Ba?
lalo't madaling araw pa lang ay nagigising na
kaya ramdam pa ri'y puyat paggising sa umaga

inalmusal ay pianonong naiwan ni misis
na dapat ay binaon niya sa kanyang pag-alis
ngayong pananghalian, uulamin ko'y kamatis,
bawang, at sibuyas, na ginisa kong anong tamis

GISIKABA? baka naman itanong mo sa akin
ang sagot ko, aba'y oo, iyan ang uulamin
tara, mag-GISIKABA, ako'y saluhan mo na rin
lalakas pa ang katawan sa ganitong gulayin

- gregoriovbituinjr.
04.12.2023

Pianono

PIANONO

naiwan ni misis ang kanyang pianono
naiwan? o iniwan nang buong pagsuyo?
anong meryenda niya pag siya'y nahapo?
ganito ang naisip habang nagluluto

tanong sa isip, bakit naiwan ay tatlo
ang ibig bang sabihin niyon ay "I love U"
kaytamis ng pianono nang kinain ko
kaysa masira, bibili na lang ng bago

animo'y pagsintang kaytamis ng tinapay
na sadyang magpapangiti sa iyong tunay
kaya loob ko't isip ngayon ay palagay
habang ginagawa ang tungkulin at pakay

naiwan ba o iniwan? di ko masagot
sa lambing ni misis, ako'y di nalulungkot
sa pianono pa lang, panay yaring hugot
at kinain iyon nang walang pahintulot

- gregoriovbituinjr.
04.12.2023

Umaga

UMAGA

sumalubong ang umagang maaliwalas
habang nagising sa ibong huni'y kaylakas
sa iwing diwa'y may kung anong nawawatas
na sa anyo ng mukha'y iyong mababakas

kinain ang bahaw na kagabi niluto
upang tanggalin ang gutom at pagkahapo
isinulat kaagad upang di maglaho
ang mga nasa isip ng buong pagsuyo

sa guniguni'y may lumalambi-lambitin
kaagad uminom ng tubig nang mahirin
tila may kung anong mga alalahanin
na dapat suriin, pag-isipan, lutasin

umiikot ang buhay habang gumagawa
nagkakayod-kalabaw habang naghahanda
sa bukas ng pamilya habang tumatanda
kayganda ng umaga habang kumakatha

- gregoriovbituinjr.
04.12.2023