Huwebes, Agosto 6, 2009

Wala Tayong Mapapala sa Simpleng Tingin

WALA TAYONG MAPAPALA SA SIMPLENG TINGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Wala tayong mapapala sa simpleng tingin
Kaya dapat lipunan ay ating suriin
Upang iba't ibang isyu'y malaman natin
At kung paano bang problema'y babakahin

Wala tayong mapapala sa pagtunganga
Mga isyu'y di dapat binabalewala
Di dapat masa'y pulos sakripisyo't luha
Dapat dama rin nila ang ligaya't tuwa

Wala tayong mapapala sa katititig
Pagkat mga problema'y di natitigatig
Ating suriin ang lahat ng isyu't panig
Upang ang solusyon ay dito nakasandig

Walang mapapala sa pagbilang ng poste
Pagkat ang ganito'y di dapat maging siste
Suriin ang isyu kung gaano katindi
Ngunit ingat at baka tayo makuryente

May mapapala tayo kung tayo'y kikilos
Upang mga problema'y suriin ng lubos
Nang makalikha rin ng solusyong di kapos
At mga isyu'y matugunan at matapos

Gamitin ang ulo, katawan, paa't kamay
Pati diwang tuliro't pusong nalulumbay
Ngunit iayos itong problema't ihanay
Nang matugunan ito't tayo'y magtagumpay

Salamat at Paalam, Ina

SALAMAT AT PAALAM, INA
(pagpupugay sa namayapang pangulong Cory)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Payapa nang humimlay ang ina
sa kanyang huling hantungan
Ina ng demokrasya'y wala na
ngunit tuloy pa ang laban

Tuloy ang laban ng sambayanan
laban sa mga tiwali
Na ayaw umalis sa upuan
at nais pang manatili

Kaming anak nitong demokrasya
sa ina po'y nagpupugay
Paalam na, mahal naming ina
sadyang kami'y nalulumbay

Nalulumbay man ay tuloy pa rin
ang adhikang pagbabago
Sadyang kayo'y inspirasyon namin
pagkat kayo'y makatao

Makataong lipunan ang nais
nitong sambayanang giliw
Lipunang walang nagmamalabis
adhikang di magmamaliw

Ina, kami sa inyo'y saludo
kaya tuloy po ang laban
Salamat, salamat po sa inyo
bayani ka nga ng bayan

Nakapagtitimpi Pa Ang Taumbayan

NAKAPAGTITIMPI PA ANG TAUMBAYAN
(Hinggil sa epekto ng shame campaign laban sa Con Ass)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa galit nitong pulitikong gahaman
siya'y gumawa ng panukalang batas
bawal na ang mga rali sa tahanan
at tanggapan ng mga trapong nag-Con Ass

pinaglaruan ng mga kongresista
itong kinabukasan ng sambayanan
kaya tama lamang na ralihan sila
sa kanilang mga bahay at tanggapan

mabait pa nga ang militanteng grupo
at rali lang sa bahay at opisina
ang siyang ginagawa ng mga ito
upang ilabas ang mga galit nila

buti nga't sila'y nakakapagtimpi pa
at di pa sila nagpunta ng Batasan
upang kunin itong mga kongresista
na dapat lang kaladkarin ng tuluyan

baka nais yata ng mga nag-Con Ass
makaladkad pang palabas ng Kongreso
buti nga't rali lang at di nandarahas
ang kanilang nilolokong mga tao

mga kongresista'y dapat lang magtino
at huwag nilang paglaruan ang bukas
nitong mamamayang kanilang binigo
dahil sa kanilang paglagda sa Con Ass

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 2, Taon 2009, p. 8.